COVID-19 vaccine para sa ‘Pinas, kasado na
- BULGAR

- Nov 20, 2020
- 1 min read
@Editorial | November 20, 2020
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyong magkaroon na ng advance payments ang Pilipinas para sa bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaprub ang pagpasok ng bansa sa Advance Market Commitments (AMCs) sa mga pribadong vaccine developers. Ganundin ang agad na paglalabas ng advance payments sa mga kumpanyang lumikha ng bakuna.
Kaugnay nito, maaaring sa 2nd o 3rd quarter ng 2021 ay may bakuna na laban sa COVID-19.
Tama lang na habang maaga ay kumikilos na ang ating gobyerno kung paano magkakaroon ng bakuna kontra COVID-19. Mahirap nga naman na kung kailan nariyan na saka tayo makikipag-agawan.
Bagama’t, tila nakakalimutan na ng iba na nasa paligid lang ang virus, iba pa rin kung handa tayo sa mga posibleng mangyari. Mainam na hindi tayo napag-iiwanan lalo na kung may pondo naman.
Batid natin na napakaraming nangyayari sa mundo at sa bansa natin mula sa pandemya hanggang sa kalamidad, ang mahalaga ay nagagawa nating pagsaba-sabayin ang paglaban.
Kaya nga may iba’t ibang ahensiya ang gobyerno dahil sa mga ganitong pagkakataon. Kumbaga, may kani-kanyang responsibilidad, hindi puwedeng nakatuon lang sa isang problema.
At tayo naman bilang mamamayan, dapat na magtiwala, makiisa at magbantay.



Comments