COVID-19 Pandemic tapos na raw, pero ang daming may sakit sa ‘Pinas, anyare?
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 10, 2023
KAKA-ANNOUNCE LANG NG WHO NA TAPOS NA ANG COVID-19 PANDEMIC, PERO ANG DAMI PA RING NAGKAKA-VIRUS SA ‘PINAS —Limang araw matapos ianunsyo ng World Health Organization (WHO) na hindi na global health emergency ang COVID-19, na ang ibig sabihin ay tapos na ang pandemya, kamakalawa ay nag-anunsyo naman ang Department of Health (DOH) na 1,878 ang tinamaan ng sakit nitong nakalipas na Lunes, kung saan siyam umano ang namatay dito, at sa kasalukuyan ay nasa 10,195 Pinoy na may COVID-19 ang ginagamot pa sa mga ospital.
Dapat aksyunan agad ito ng DOH at alamin ang dahilan kung bakit marami pa ring tinatamaan ng sakit dahil baka wala nang COVID-19 sa ibang bansa, pero sa ‘Pinas ay mayroon pa, boom!
◘◘◘
BAKA ANG MGA PASUGALAN ANG DAHILAN KAYA MARAMI PA RING NAGKAKA-COVID SA ‘PINAS—Isa sa mga posibleng dahilan kung bakit marami pa ring nagkaka-COVID-19 sa ‘Pinas ay ang mga illegal gambling na tinatangkilik ng mga sugarol.
Bagama’t idineklara na ng WHO na tapos na ang COVID-19 pandemic, may paalala pa rin ito sa mga tao na pairalin ang mga health protocols tulad ng social distancing. Ngunit kung titingnan ang mga nagsusugal sa mga saklaan, color games, drop balls, at mini-casino, halos magdikit-dikit na ang mukha ng mga ito, habang ang mga kubrador naman ay pasok nang pasok sa mga bahay-bahay sa mga komunidad para magpataya ng STL (Small Town Lottery)-con jueteng at perya ng bayan-con jueteng at lotteng, tsk!
◘◘◘
IMBES NA IPATIGIL, LALONG DUMARAMI ANG MGA PASUGALAN SA ‘PINAS—Ang problema sa ‘Pinas, imbes na ipatigil ang mga pasugalang lumalabag sa social distancing, lalo pang nadaragdagan at dumarami ang mga ito.
Halimbawa, ang color games at drop balls nina ‘Aling Tessie,’ ‘Baby Panganiban’ at ‘Troy.’
Dati, sa area lang ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas sila nag-o-operate, pero ngayon ay nag-o-operate na rin sila sa area ni Laguna Gov. Ramil Hernandez. Noon, ang mini-casino ni ‘Patrick’ ay nasa area lang ni Mayor Romeo Salda sa La Trinidad, Benguet, pero ngayon, mayroon na rin sa area ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, habang sa area ni Caloocan City Mayor Along Malapitan, noon ay walang STL-con jueteng, pero ngayon ay mayroon na.
Kung ang mga sugarol sa area na ‘yan ay nahawa ng COVID-19, tapos umuwi at may pinuntahan pang ibang lugar, hindi kataka-taka kung bakit marami ang mahahawa, na nagiging dahilan kaya marami pa ring nagkaka-COVID-19, boom!
◘◘◘
SUBUKAN NI P-BBM NA IPA-STOP ANG MGA PASUGALANG MAY PAGLABAG SA SOCIAL DISTANCING, BAKA SAKALING MABAWASAN ANG MGA NAGKAKA-COVID—Inihalimbawa lang natin ang mga lugar na ‘yan sa Batangas, Laguna, Benguet, Baguio City at Caloocan City na may mga pasugalan na may kasamang paglabag sa social distancing dahil sa totoo lang, marami pang illegal gambling sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Subukan lang ni Pres. Bongbong Marcos Jr. (P-BBM) na ipa-stop ang lahat ng mga pasugalang ito, eh, baka sakaling mabawasan ang bilang ng mga nagkaka-virus sa ‘Pinas, period!





Comments