top of page
Search
  • BULGAR

COVID-19 cases, patuloy na tumataas, ‘anyare?!

@Editorial | March 8, 2021



Muli na namang nakapagtala ng mataas na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.


Sa report ng Department of Health kahapon, may 3,276 silang bagong naitalang kaso ng virus infection.


Nasa 118 naman ang naitalang UK variant, habang 58 ay South African variant at 85 mutation of concern.


Kaugnay nito, nanindigan ang Metro Manila mayors na huwag munang hayaang buksan ang mga sinehan at arcades dahil sa patuloy pa ring pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.


Kung ngayon nga na hindi pa pinapayagan ang mga lugar na gaya ng mga ito, eh, patuloy ang pagtaas ng kaso, paano pa ‘pag nagbukas na?


Samantala, nagbabala naman ang mga eksperto na posibleng maging ‘overwhelming’ ang surge ng bagong COVID-19 infections sa National Capital Region (NCR).


Hindi katulad sa mga nagdaang surges, ang pagsirit ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa mga nakalipas na araw ay nagpapakita lamang nang mabilis na pagkalat ng virus sa loob ng maiksing panahon.


Maaari umanong dulot ito ng bagong mga variants na nakapasok sa banasa — UK at South African strains. Bagay na ‘pag napabayaan ay posibleng lalo pang kumalat.


Kapansin-pansing halos naglabasan na ang lahat, mga bata at matatanda, may mga nakakalimot nang magsuot ng face mask, may mga lugar na talagang hindi na nasusunod ang social distancing. May mga nakakalimot na ring maglinis at mag-disinfect ng bahay, workplace at mga pampublikong lugar.


Huwag na nating hintaying mas lalo pang lumala ang sitwasyon. Hindi tayo dapat makampante kahit pa nariyan na ang mga bakuna.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page