top of page

Courtesy resignation, immoral at pagpapakita ng kahinaan ng namumuno

  • BULGAR
  • Jan 12, 2023
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | January 12, 2023




MAY aberya sa mga heneral.


Biglang nagpalit ng liderato sa AFP.


◘◘◘


AYUSIN natin ng bahagya.

Ibinalik lang ang dating AFP chief sa tama at angkop niyang posisyon.

Tanging si AFP Chief Andres Centino lamang ang 4-star general pero nasulot siya ni General Bartolome Bacarro na isang 3-star general lamang.


Itinama lang ang “mali”.


◘◘◘


KUNG may aberya sa AFP, mayroon din sa PNP.


Ito ay ang isyu ng balasahan.


◘◘◘


BIGLANG sinibak si Police Brig. General Ronald Lee, na director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).


“Kinagat” niya ang “pain” na courtesy resignation.


◘◘◘


MAGANDA ang track record ni Lee at hindi naman siya sangkot sa droga.


Pero, sinasabing “may natapakan” siya nang manungkulan sa Abra.


◘◘◘


NAGLINGKOD si Lee bilang hepe ng CIDG nitong Agosto 2022, kung saan tinutukan nito ang kaso ng 34 missing sabungero.


Nabigyan ni Lee ng hustisya ang ilang biktimang mananabong na kinidnap.


◘◘◘


PINALITAN si Lee ni Police Brig. General Romeo Caramat na dating deputy Director ng Directorate for Intelligence (DI).


Laman ng tsismis sa loob at labas ng PNP ang isyu kaugnay ng pagkakasibak kay Lee.


◘◘◘


MAAARING magdalawang-isip ngayon ang ilang heneral o opisyal ng PNP sa hinihinging courtesy resignation ni DILG chief Benhur Abalos.


Maaaring “magamit ang iskema”—upang masulot o makasingit sa posisyon ang ilang “may kapit” sa poder.


◘◘◘


OKAY sana ang pagbalasa, pero ang paghingi ng “courtesy resignation” ay immoral at kung kukuwestiyunin sa Korte Suprema ay lilitaw na “pekeng pagbibitiw ito”.

Sa personal nating pagtingin at teknikal na pagsusuri—walang “courtesy resignation”.

Kumbaga, resign-kung-resign.


Ganun lang.


◘◘◘


NAKATAYA ang career at hinaharap ng pamilya ng mga opisyal na “kakagat sa pain”.


'Yan ay kahinaan ng lideratura.


◘◘◘


ANG paghingi ng courtesy resignation ay kawalan ng disposisyon ng lider.

Kung sa tingin ng mga superior officer—ay kaduda-duda ang performance o personalidad ng mga tauhan nila—aba’y imbestigahan.

Kapag nakakuha ng ebidensiya, kausapin nang lihim o dili'y kasuhan.


'Yan mismo ang “praktis” sa pribadong kompanya—at maging sa mga opisina ng gobyerno.


◘◘◘


MALINAW na papogi o hindi nauunawaan ng DILG officials ang kanilang ginagawa o kung sinuman ang “may utak” ng courtesy resignation.


Hindi patas 'yan at hindi makatarungan.


◘◘◘


KUNG may sapat na kakayahan, liderato at disposisyon ang lider—hindi kailangan ang courtesy resignation ng mga sisibaking tauhan.

Disposisyon ang tawag diyan.

Mahirap manungkulan sa gobyerno.


Dapat aktuwal na “may yagbols” talaga ang mga lider.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page