Cordoba, palpak sa laban kontra text scammers
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 2, 2022
PAGTAAS NG PRESYO NG LPG, PAMBUBUWISIT NG MGA KAPITALISTA—Isang araw matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Nobyembre 29, 2022 na nais niyang gawing Pamasko sa mga Pilipino ay hindi pagtataas ng presyo ng krudo at pagkain ay nagtaas ang mga oil companies ng P24.75 hanggang P24.97 sa kada tangke ng LPG (liquefied petroleum gas) at P1.26 naman sa kada litro ng autoLPG.
Pambihira naman ‘tong mga oil company, nabubuwisit ba sila? Porke hindi nasama sa binanggit ni P-BBM ang LPG at tanging krudo at pagkain lang ang nais niyang hindi muna magtaas ng presyo, ang ginawa ng mga kapitalista ng langis ay biglang nagtaas ng presyo.
◘◘◘
CORDOBA NA PALPAK SA LABAN VS. TEXT SCAMMERS SA NTC, HUWAG SANA PUMALPAK SA LABAN SA MGA SCAMMERS—Kinumpirma na ng Commission on Appointments (COA) ang appointment ni dating National Telecommunication Commission Chairman Gamaliel Cordoba bilang chairman ng Commission on Audit.
Hindi man lang naisip ng CA members na pumalpak ang liderato ni Cordoba sa NTC at patunay na hindi nito nasolusyunan ang problema tungkol sa raket ng mga text scammers, kaya naobliga ang mga lawmakers na gumawa ng sim card registration act na inaprub ni P-BBM.
Hay naku, baka ngayong permanenteng COA chairman na si Cordoba ay maging palpak din ‘yan sa pag-audit sa kaban ng bayan na nasa kontrol ng scammers sa pamahalaan.
◘◘◘
SABLAY ANG MGA BLOGGERS AT VLOGGERS SA PAGSASABING HUWAG UMASA SA PAMAHALAAN KASI PARANG SINABI NILANG WA’ ‘WENTA ANG GOBYERNO KAYA HINDI DAPAT ASAHAN—Kapag nagreklamo ang mamamayan laban sa pamahalaan dahil sa kawalan ng aksyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, ang karaniwang depensa ng mga pro-government na bloggers at vloggers ay huwag umasa sa gobyerno, kailangang magsikap.
Sa totoo lang, sablay ang depensa ng mga pro-government bloggers and vloggers dahil parang sinabi nilang walang kuwenta ang pamahalaan kaya’t huwag sa kanila umasa ang mamamayan.
◘◘◘
KUNG KAILAN BABAE NA ANG MAYOR NG MAYNILA, LALO PANG LUMAWAK ANG RAKET NINA ‘BOY ABANG’ AT ‘LORNA’—Mas lalong lumawak ang operasyon ng raket na bookies at lotteng nina “Boy Abang” at “Lorna” sa Maynila.
Dahil d’yan, mali ang akala ng mga taga-Maynila na kapag babae na ang kanilang alkalde ay matitigil na ang ganitong uri ng raket pero hindi pala kasi nang manalo si Mayor Honey Lacuna, imbes na mawala ay lalo pang lumawak ang operasyon ng bookies at lotteng nina “Boy Abang” at “Lorna” sa lungsod.





Comments