by Info @Editorial | September 12, 2024
Sa panahon na mas dumarami ang mga nagiging content creator o vlogger, kailangang maipaunawa na dapat ay maging responsable sa ginagawa.
Kaugnay nito, pinag-aaralan na ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pagsasampa ng kaso laban sa isang content creator.
Kasunod ito sa pagkalat ng video na isang content creator ang naglatag ng mesa para isagawa ang dinner date sa loob ng LRT-2 train.
Ayon sa LRTA administrator, ang nasabing ginawa ng content creator ay walang clearance at hindi nila kinukonsinti.
Dagdag pa na ang mga folding table, puting tela at baso ay maaaring magdulot ng kapahamakan sa ibang pasahero. Kung saan, sakali umanong magkaroon ng emergency brake ang tren, maaaring magliparan ang mga baso na posibleng tumama pa sa ibang pasahero.
Una nang ipinagbabawal sa kanilang mga train ang pagkain ng mga pasahero.
Samantala, inabisuhan na rin ang mga guwardiya na kapag may napansing kaparehas na insidente ay agad dapat na sitahin.
Bilang paglilinaw, hindi umano pinagbabawalan ang mga content creator na gumawa ng video basta ito ay nasa ligtas na lugar. Ilan sa mga inihalimbawa ay ang mga nagaganap na busking o pagkanta ng ilang mga independent singers sa labas ng mga train.
Paalala sa lahat ng content creator, maging maingat sa lahat ng pagkakataon. Huwag
isipin na basta makagawa lang ng video, mai-post para sumikat o kumita ay ayos na, kailangang maging responsable.Â
Isipin muna ang mga gagawin. Tiyakin na walang mapapahamak at ‘di makakapagdulot ng perhuwisyo.
Comments