Search
  • BULGAR

Contact tracing, susi sa pagsugpo ng coronavirus

ni Lolet Abania | July 15, 2020




Pag-alerto sa mga tao na na-exposed o nakasalamuha ang isang may coronavirus, gayundin, para mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit, ang pangunahing layunin ng contact tracing.


Sa mga pag-aaral na ginawa ng mga health experts, ang contact tracing ang susi upang masugpo ang pagkalat at pagkahawa ng mapanganib na covid-19.


Subalit, hindi ito madali dahil may kaakibat itong peligro sa sa sinumang contact tracer.


May prosesong isinasagawa ang contact tracing. Matapos na ang isang tao ay magpositibo sa test sa covid-19, mag-uumpisa na ang isang contact tracer na makipag-usap sa pasyenteng may covid upang alamin saan maaari siyang nagtungo at lahat ng nakasalamuha niya ng oras at mga araw nang nagpositibo sa coronavirus ang pasyente.


Nakasentro ang lahat sa naging close contacts ng infected person. Ang mga taong nakausap ng pasyente na tinatayang 6 feet ang layo sa kanya at maaaring 10 minuto o higit pang nakasalamuha, ay pinapayuhan agad ng contact tracer na mag-self-isolate, i-monitor ang sarili na maaaring may mga sintomas na lalabas at magpa-rapid test sa coronavirus.


Sakaling nakaramdam o nagpakita ng mga sintomas ng covid-19 at magpositibo sa rapid testing ang naging close contact person ng pasyente, magsisimula muli ang contact tracing sa infected person o nahawang tao.


Maraming paraan ang isinasagawa sa buong mundo ng pagkakaroon ng contact tracing. Pero, ang karaniwang isyu ay kung sinu-sino ang mga taong nakasalamuha ng pasyente bago at nang siya ay magpositibo sa covid-19. Maaaring mga kaibigan, pamilya, sa restaurants, groceries, palengke, bangko at iba pang lugar na pinuntahan ng na-infect ng virus, ang kinakailangang idetermina ng isang contact tracer.


Kaya madalas, nagugulat ang mga health official ng biglang pagdami ng mga pasyente sa mga ospital. Halimbawa sa United States, umaasa ang local health departments sa automated texts upang ialerto ang mga tao na maaaring na-exposed sa infected person. Tatawagan ng mga health official ang naging close contact person para magkaroon ng tiwala sa kanila. Subalit, marami sa na-exposed ay hindi nagbabalik ng tawag nila o mag-text man lang.


Mabigat na pasanin ito sa mga nakukuhang contact tracer dahil sa kailangan ng mabilis na pagresponde sa nagiging infected ng virus at nakakasalamuha nito. Dapat na ialerto ng araw ding iyon ang mga nagkaroon ng close contact sa pasyente. Sa paraang ito, mako-contain ang pagkalat ng virus at magagamot kaagad ang nagpositibo upang hindi na lumala pa ang kanyang sakit.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.