Construction worker na gustong mag-resign, susuwertehin sa bagong trabaho at makapag-a-abroad

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| February 11, 2021
Dear Maestro,
Ako ay isang construction worker at ‘yung engineer na nangongontrata ng mga project ay hindi nagpapasahod nang regular, sa halip ay puro bale lang. Ang gusto kong itanong ay kung sakaling umalis ako rito, paano ko makukuha ang kabuuan kong suweldo at kung hindi naman ako aalis, hanggang kailan ako magtitiis sa puro bale na sahod?
Ano ba ang dapat kong gawin? Nalilito na ako ngayon dahil madalas ay inaaway na ako ng aking asawa kapag kulang ang aking intrega. Kung lilipat naman ako ng ibang trabaho at aalis dito, susuwertehin ba ako at makakahanap ng trabaho na regular ang pasuweldo? January 17, 1988 ang birthday ko.
Umaasa,
Mr. Capricorn ng Bucal Silang, Cavite
Dear Mr. Capricorn,
Tama ang iniisip mo. Umalis ka na sa kasalukuyan mong trabaho dahil imbes na maibigay sa iyo ang kabuuan mong suweldo, lalo lang darami ang utang sa iyo ng iyong employer o construction company na pinaglilingkuran mo. At kapag hindi ka umalis sa kasalukuyan mong trabaho, tunay ngang walang pag-asensong mangyayari sa iyo.
Samantala, ayon sa birth date mong otso (8) (dahil ang 17 ay 1+7=8), sa zodiac sign mong Capricorn at destiny number mong nagkataong otso rin (1+17+1988=2006/ 20+06=26/ 2+6=8), kung aalis ka na ngayon sa iyong trabaho at maghahanap ng bagong papasukan, madali kang matatanggap sa isang malaking kumpanya na may kaugnayan din sa konstruksyon. Kapag nagtagal-tagal ka roon at nagkaroon na sapat na kaalaman, mapo-promote ka rin at lalaki ang iyong suweldo. Gayunman, sa pagtitiyaga at masinop na pagtatrabaho, darating ang panahong makakaahon ka rin sa kahirapan hanggang sa makapangibang-bansa. Sa malayong lugar o malayo sa sinilangan mong bayan, doon ka tiyak at lubusang uunlad hanggang sa tuluyan na ring yumaman, na siya ngang kapalarang nakatakda sa mga Taong Otso na tulad mo.
At kung tuluy-tuloy kang lalayo at aalis sa sinilangan mong bayan upang doon magtayo ng sarili mong pamilya, negosyo at kabuhayan — na siyang dapat gawin ng isang Taong Otso tulad mo — tuluy-tuloy nang uunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa ikaw ay yumaman nang yumaman, na tinatayang magsisimulang maganap sa 2039 sa edad mong 51 pataas.




Comments