Congrats sa mga nag-goodbye yosi!
- BULGAR

- Nov 21, 2020
- 1 min read
@Editorial | November 21, 2020
Base sa pag-aaral ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at UP-College of Mass Communication Foundation Inc., Satisfactory to Very Satisfactory rating ang ibinigay sa Metro Manila sa pagpapatupad ng anti-smoking policies.
Pasado ang ilang lungsod sa pagpapatupad ng kani-kanilang Smoke-Free and Vape-Free ordinances na ipinatupad mula noong 2017.
Napag-alamang sinukat ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang pagsunod sa advertising and promotion, enforcement, selling and distribution at ang hindi paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Kaugnay nito, inihirit din sa mga local government units (LGUs) na palakasin pa ang kani-kanilang anti-smoking policies, monitoring system at pagpapatupad ng mga batas sa pagbabawal sa paninigarilyo hanggang sa barangay level.
Sadyang may mga kababayan tayo na talagang pinilit na mag-quit sa paninigarilyo mula nang kumalat ang COVID-19. Sa takot na ma-virus at talagang nagpursigeng bitiwan ang bisyo.
Isa rin daw sa nagtulak sa kanila para tumigil ay ang kakulangan na sa budget. Tipong ibibili na lang ng pagkain, eh, mapupunta pa sa sigarilyo.
Malaking tulong din siyempre ang masigasig na pagpapatupad ng ordinansa. Hindi naman kaila sa atin na saka lang sumusunod ang iba ‘pag nalamang may multa o parusa. Kaya salamat sa mga bantay at taga-huli dahil walang kawala ang mga yosi kadiri.
Anuman ang dahilan, ang mahalaga marami na ang mga tumitigil sa masamang bisyo at hindi lang ito pabor sa sarili kundi lalo na sa pamilya.



Comments