Concepcion, suportado ang tulong na pautang sa MSMEs
ni Fely Ng - @Bulgarific | May 25, 2022

Hello, Bulgarians! Suportado ni Presidential Adviser for Entrepreneurship and Go Negosyo founder Joey Concepcion ang mungkahing subsidy loan o tulong na pautang sa mga MSMEs. “Sumasang-ayon ako na ang pagtulong sa MSMEs ay magdudulot sa mas inklusibo, at mas matagalang paglago ng ekonomiya at mas maraming pakinabang sa manggagawa,” sabi niya.
Nauna nang itinulak ng organized labor ang P100 bilyon na subsidized na pautang para sa mga MSMEs upang isama sa dagdag-sahod para sa mga minimum wage earners na ipinagkaloob ng iba't ibang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.
Ipinaliwanag ni Concepcion na ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) ay malapit ang pagkakaugnay sa pagbuo ng trabaho sa Pilipinas.
“Upang magkaroon ng mas maraming trabaho sa mas maraming Pilipino, kailangan nating palaguin ang mga MSME dahil sila ang bumubuo ng higit sa kalahati ng trabaho sa bansa,” aniya.
Ayon sa Department of Trade and Industry, 62.6 porsyento ng mga trabaho sa bansa ay dahil sa MSMEs, kung saan ang mga micro-enterprises ang may pinakamalaking bahagi.
Sinabi ni Concepcion na bagama’t maigi rin ang taas-sahod, ang pagbuo ng mga trabaho ay magdadala ng higit na pangkalahatan at pangmatagalang paglago.
Ayon kay Concepcion, mahihirapan ang mga micro-enterprises na pondohan ang karagdagang pagtaas ng sahod dahil isang kahig-isang tuka ang negosyo nila ngayon at marami ang lubog sa utang.
Ang mga malalaking negosyo, samantala, ay iniinda ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Ngunit kung umunlad ang ekonomiya, mahihikayat ang mga malalaking kumpanya na palawigin ang kanilang negosyo.
Ito ay lilikha ng maraming trabaho at hihilahin pataas ang mga sahod upang makaakit ng mga manggagawa. Halos kalahati ng 47 milyong Pilipinong manggagawa ay nasa pribadong sektor.
Sa Laging Handa public briefing noong Mayo 23, muling iginiit ni Concepcion na mahalaga ang kalusugan sa ekonomiya ng bansa, at kaagapay nito ang pagbabakuna at pagpapanatili sa mababang alert level.
Umaasa si Concepcion na sa pagtatapos ng halalan, muling matututukan ng mga lokal na pamahalaan ang pagbabakuna, at ipagpapatuloy ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga programang sinimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang mga MSME ay lubhang naapektuhan ng mga lockdown, at pagtaas ng presyo dahil sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine. Malaking pagkaantala rin sa negosyo ang tinatawag na long COVID na nagdudulot ng matagal na sintomas at absenteeism.
“Ito ang dahilan kung bakit kami nagsusulong ng pagbabakuna at mga booster: upang matugunan ang ganitong pagkagambala sa ating ekonomiya,” ani Concepcion.
Ang kanyang non-profit na Go Negosyo ay nagtataguyod ng entrepreneurship sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapabuti ng access sa pera (capital), mga merkado at mentorship.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.



Comments