Coach Weiss ng Azkals, masusubok vs. Nepal

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 15, 2023

Laro ngayong Huwebes – Rizal Memorial Stadium
7:00 p.m. Pilipinas vs. Nepal
Mapapanood muli ang Philippine Men’s Football National Team sa pagharap nila sa bisitang Nepal sa isang FIFA Friendly sa Rizal Memorial Stadium simula 7:00 ng gabi ngayong Huwebes. Pormal na rin magsisimula ang pangalawang kabanata ni Hans Michael Weiss bilang head coach ng Azkals matapos ang halos isang dekada.
Ayon kay Coach Weiss, masaya siya sa muling pagbabalik at nangako na magtatanghal ng angat ang estilo ng Football na ikatutuwa ng mga tagahanga. Sa ngayon, dalawang beses pa lang niya nahahawakan ang ensayo at nananatili siyang positibo na maganda ang kanilang ipapakita dahil mga propesyunal ang mga manlalaro.
Para kay beteranong defender Daisuke Sato, nakikita niya ang panibagong simula para sa pambansang koponan. Nanawagan siya sa publiko na manood sa Rizal Memorial at suportahan ang Azkals.
Kailangang dumoble ng trabaho si Sato at ibinalita ni Coach Weiss na hindi makakalaro bunga ng magkaibang dahilan ang mga kapwa defender na sina Amani Aguinaldo at Santiago Rublico. Narito na rin si goalkeeper Neil Etheridge subalit pinag-iisipan pa kung ipapasok siya o bibigyan ng pagkakataon sina Patrick Deyto o Julian Schwarzer.
Inamin din ni Coach Weiss na ang talagang pinaghahandaan ng Azkals ay ang pinagsabay na qualifier para sa 2026 FIFA World Cup at 2027 AFC Asian Cup sa Nobyembre. Naghihintay sa mga Pinoy ang Nepal na gagabayin ng bagong coach Vincenzo Alberto Annese ng Italya. Ginagamit nila ang laro upang makapaghanda para sa South Asian Football Federation Championship sa katapusan ng buwan sa India.
Pagkakatapos ng Nepal ay may nakatakdang isa pang friendly ang Azkals kontra Chinese-Taipei sa Hunyo 19 sa Rizal Memorial muli. Naghahanda na rin ng mga friendly para sa Setyembre at Oktubre.





Comments