ni Anthony E. Servinio @Sports | January 5, 2024
Pinatunayan muli ni kabayan Jordan Clarkson kung bakit bininyagan siya bilang “The Flamethrower” ng mga Amerikanong mamamahayag at bumuga ng 36 puntos sa 154-148 overtime tagumpay ng Utah Jazz sa kulelat na Detroit Pistons sa NBA kahapon mula sa Delta Center. Kasama rito ang lima sa overtime na nagtayo ng ligtas na 151-144 bentahe sa huling 24 segundo.
Ipinilit ng Detroit ang overtime sa tres ni Alec Burks kasabay ng huling busina ng fourth quarter, 138-138. Kontrolado ng Pistons ang laro subalit uminit para sa 16 si Clarkson at ipinasa ang bola kay Lauri Markkanen upang saglit maagaw ang lamang, 108-105, at limang segundo sa orasan.
Umakyat sa 10,932 ang kabuuang puntos ni JC sa kanyang 10 taong karera at ngayon ay ika-337 sa listahan na may pinakamarami. Sa isang laro lang ay nilampasan niya ang mga retiradong alamat Don Nelson (10,898), Ricky Sobers (10,902), Nene (10,909), Vernon Maxwell (10,912) at Dan Majerle (10,925) pati rin ang aktibo pang si Jonas Valanciunas ng New Orleans Pelicans (10,925).
Apat na puntos lang ang ambag ni Valanciunas subalit mas mahalaga ay tinalo ng Pelicans ang numero uno ng Western Conference Minnesota Timberwolves, 117-106. Bumida sa New Orleans si Zion Williamson sa kanyang 27 habang 24 si CJ McCollum.
Pinutol ng Atlanta Hawks ang limang sunod na panalo ng Oklahoma City Thunder, 141-138, sa likod ng 28 ni Jalen Johnson at Trae Young na may 24 at 11 assist. Lamang ang Hawks, 141-129, sa huling 1:41 at hindi na pumuntos subalit nabitin ang habol ng OKC.
Nagsabog ng 41 si Luka Doncic upang hatakin ang Dallas Mavericks sa Portland Trail Blazers, 126-97. Hindi na kinailangan ang kanyang serbisyo sa fourth quarter komportableng lamang ang Mavs, 102-74.
Comments