Clarkson, eensayo na ngayon sa Gilas
- BULGAR
- Aug 9, 2023
- 1 min read
ni VA @Sports | August 9, 2023

Eksaktong 17 araw ang nalalabi bago magsimula ang FIBA Basketball World Cup, dumating na rin sa Manila ang pinakahihintay na manlalaro ng Gilas Pilipinas na walang iba kundi si Jordan Clarkson.
Lulan ng Philippine Airlines Flight 103, dumating ng bansa ang grupo ni Clarkson ganap na alas-5:30 ng umaga kahapon-Martes- Agosto 8.
“Feels great,” pahayag ng dating NBA Sixth Man of the Year, na sinalubong sa Ninoy Aquino International Airport ng mga taga Samahang Basketbol ng Pilipinas na pinangungunahan ni deputy event director Erika Dy.
Sa dalawang pagkakataon na lumaro siya sa Gilas, nagtala ang 6-foot-6 guard ng Utah Jazz sa NBA ng average na 25.0 puntos, 6.5 assists at 5.5 rebounds.
Dapat sana'y noon pa nakasama si Clarkson ng Gilas , anim na linggo Bago ang World Cup,ngunit noong huling weekend lamang ng Hulyo siya nabigyan ng clearance kung kaya hindi siya nakalaro sa mga nakaraang tune-up games ng koponan sa Estonia, Lithuania at China.
Kahapon din ng hapon, inaasahang darating ng bansa ang Gilas Pilipinas team mula sa sinalihan nitong pocket tournament sa China.
Inaasahang mag-ensayo na ngayong araw na ito si Clarkson kasama ang mga nalalabing mga players ng Gilas pool na binubuo nina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Kiefer Ravena, CJ Perez, Roger Pogoy, Dwight Ramos, Bobby Ray Parks Jr., Chris Newsome, Calvin Oftana, Thirdy Ravena, Rhenz Abando, at AJ Edu.
Ang Gilas ay nakahanay kasama ng Dominican Republic, Angola at Italy sa group stage ng World Cup.








Comments