top of page

Christmas party sa mga iskul, gawing simple at makabuluhan

  • BULGAR
  • Dec 7, 2022
  • 1 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 7, 2022


Bagama't papayagan ng Department of Education (DepEd) ang pagbabalik ng Christmas parties sa gitna ng COVID-19 pandemic, ipinagbabawal naman ang sapilitang pagkuha ng ambag o contributions mula sa mga estudyante at magulang.


Sa inilabas na DepEd Order 52 na nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio, ang selebrasyon sa mga pampublikong paaralan at tanggapan ng kagawaran ay dapat simple, lalo na’t maraming naapektuhan ng pandemya.


Binigyang-diin din ng kagawaran na hindi dapat maging dagdag-pasakit para sa mga magulang ang naturang pagtitipon.


Gayunman, kung hindi makakapagbayad ng kontribusyon ang estudyante, hindi umano ito dapat maging dahilan para pagbawalan siyang dumalo sa Christmas party.


Samantala, maaaring gawin ang mga nasabing party tuwing class hours, basta’t hindi ito makakaapekto sa scheduled lesson plans para sa mga bata.


Pinaalalahanan din ang mga kawani ng DepEd na hindi pinahihintulutan ang solicitations at pagkuha ng ambag, mapa-cash man o in kind.


Ang mga pribadong paaralan, community learning centers at state/local universities and colleges (SUCs/LUCs) ay may kalayaang sundin ang mga naturang probisyon para sa mga Christmas parties at celebrations.


Matapos ipagbawal ang mga pagtitipon at face-to-face classes noong 2020 hanggang 2021 dahil sa COVID-19 pandemic, sa wakas ay muling pinapayagan ang mga selebrasyon.


Kakaiba lang ang selebrasyon ngayon dahil kailangang iwasan ang sapilitang ambagan, na sinasabing magpapabigat sa mga magulang at estudyante.


Gayunman, umaasa tayong hindi maging hadlang ang naturang kautusan para mabigyan ng makabuluhan at masayang party ang mga bata.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page