@Editorial | June 20, 2024
Child labor ang isa sa mga pangunahing uri ng pang-aabuso na nararanasan ng kabataan.
Sa buong mundo, tinatayang milyun-milyong kabataan ang nakararanas nito.
Kaya lalo pang lumakas ang panawagan na wakasan na ang child labor sa bansa.
Kaugnay niyo, sinabi naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tututukan ang nasabing problema.
Inilunsad ng ahensya ang Strategic Helpdesks for Information, Education, Livelihood, and Other Developmental Interventions o SHIELD against child labor program.
Ang naturang programa ay may layuning tuldukan ang paggamit sa mga bata o sapilitang pagtatrabaho, na nagiging dahilan ng kanilang pagkaka-expose sa hindi magandang sitwasyon, pagkasira ng kanilang kalusugan at paglaki, kasama na ang epekto sa kanilang pag-aaral.
Nakapaloob dito ang ilang komprehensibong programa at serbisyo na nakikitang pipigil sa child labor, tulad ng intervention ng pamahalaan at regular na diyalogo sa mga komunidad.
May ibibigay din umanong tulong pang-edukasyon at pangkabuhayan ang mga natukoy o profiled child laborer sa bansa.
Umaasa tayo na magiging puspusan din ang monitoring sa lahat ng rehiyon upang mabantayan ito, kasama na ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno.
Sana ay maranasan ng lahat ng bata ang karapatang mabuhay nang malaya at ligtas mula sa anumang uri ng sapilitang pagtatrabaho.
Tungkulin naman ng mga magulang at ng pamahalaan na maprotektahan ang naturang karapatan.
Comments