CHAM-P: Apat na atletang naging iconic ang tagumpay
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
by Chistina Annalea Cla-or (OJT) @Sports News | August 5, 2026

Photo: Naihilera na si Alex Eala kina Olympic gold medalists Hidilyn Diaz at Carlos Yulo at itinuturing na GOAT na si Manny Pacquiao sa pagbibigay ng malaking karangalan para sa Pilipinas.
C- Carlos, H-Hidilyn, A-Alex at M-Manny na mga P-Pinoy icons. Hindi lahat ng pagkapanalo ay nagtatapos sa huling segundo ng laban. May mga tagumpay na doon pa lang nagsisimulang magsulat ng kasaysayan.
Sa bawat suntok, buhat, palo, at lakas sa pagbabalanse, may mga Pilipinong atletang nagdala ng karangalan sa bansa at nagpatunay na ang husay at determinasyon ng Pinoy ay kayang makipagsabayan sa iba’t-ibang larangan.
Sa paglipas ng mga taon, sina Carlos Yulo, Hidilyn Diaz, Alex Eala, at Manny Pacquiao, ang naging mukha ng Philippine Sports sa mga mahahalagang yugto. Hindi lang sila nagkampeon sa kani-kanilang disiplina—binago rin nila ang pananaw ng mundo sa kakayahan ng mga atletang Pilipino.
Isa sa mga unang nakilala bilang “Pambansang Kamao” ay si Manny ‘Pacman’ Pacquiao. Taong 2010, tuluyan niyang nakumpleto ang isang pambihirang tagumpay nang maging kauna-unahan at hanggang ngayon ay nag-iisang eight-division world champion sa kasaysayan ng professional boxing. Nasungkit niya ang 12 major world titles sa 8 weight divisions, isang rekord na walang kapantay at nagpatibay sa reputasyon ng Pilipinas bilang tahanan ng isa sa pinakadakilang boksingero sa kasaysayan.
Makalipas ang mahigit isang dekada, binuhat ni Hidilyn Diaz ang isa sa pinakamahahalagang kabanata ng Philippine sports nang iuwi niya ang kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa sa Tokyo Olympics noong 2021. Tinuldukan ang halos isang siglong paghihintay ng Pilipinas para sa gold sa Olympics. Naging simbolo ng tiyaga at naging daan upang mas mapansin at masuportahan ang weightlifting sa bansa.
Nangibabaw ang Pilipinas sa gymnastics. Noong 2019, si Carlos Yulo ang naging kauna-unahang Filipino world champion nang magwagi sa floor exercise ng World Championships. Pagdating ng Paris Olympics 2024, pinatingkad niya ang pangalan nang maging kauna-unahang Pilipinong nagkamit ng 2 gintong medalya sa iisang Olympic Games—isang tagumpay na nagpatunay na kayang makipagsabayan sa mga tradisyunal na pinakamalalakas sa gymnastics.
Ngayon, si Alex Eala naman ang patuloy na sumusulat ng panibagong kabanata sa kasaysayan ng Philippine sports. Sa taong ito, gumawa siya ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pilipinong singles player sa Open Era na umabot sa Round of 16 ng Wimbledon, tinalo niya ang defending champion at world No. 3 na si Iga Swiatek, isang tagumpay na nagpatunay na kaya nang makipagsabayan ng atletang Pilipino sa pinakamataas na antas ng professional tennis. Bunga ng impresibong laro sa Wimbledon at sunod-sunod na magagandang resulta sa WTA Tour, umakyat siya sa World No. 28 ranking.
Kahapon nagkampeon siya sa Mubadala DC Open. Tuluyan niyang nabura ang matagal nang limitasyon ng Philippine tennis. Pinatunayan niyang ang galing ng isang Pilipino ay ‘di dapat titigil sa sandaling hindi ka nagwagi at gawing sukatan kung hanggang saan ka lang mananatili.
Magkakaiba man ang kanilang pinagmulan at panahon ng pagtanggap ng karangalan. Iisa ang kanilang pinatunayan—na ang tagumpay ay hindi minamana, kundi pinaghihirapan; hindi basta nakakamtan, kundi ipinaglalaban. Sa likod ng bawat medalya ay may mga sakripisyo. At sa likod ng bawat pangalan ay may kasaysayang iniwan para sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino.





Makes me wish we had more coverage of athletes outside the biggest events. @tag game