Celtics, tinabla ang Heat 1-1 sa Eastern Finals
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 21, 2022

Tabla na ang Eastern Conference Finals sa 1-1 matapos tambakan ng bisitang Boston Celtics ang Miami Heat, 127-102, sa pagpapatuloy ng 2022 NBA Playoffs kahapon sa FTX Arena. Bumalik aksyon si Defensive Player of the Year Marcus Smart at hindi siya nag-aksaya ng panahon upang maging susi sa mahalagang tagumpay.
Pinatikim ang Miami ng maagang 18-8 lamang subalit hanggang doon na lang sila at puro Boston na ang nagdikta ng takbo ng laro. Parehong bumuhos ng tig-8 puntos sina Jaylen Brown at Grant Williams at kasama sina Smart, Jayson Tatum at Payton Pritchard ay pinalamang ang Celtics ng 35-24 sa pagwakas ng first quarter at hindi pa sila tapos.
Nagtala ng magkasunod na shoot sina Pritchard at Williams upang itayo ang pinakamalaking lamang, 119-85, papasok sa huling 5 minuto. Iyan na ang hudyat para kay Coach Ime Udoka na ipasok ang mga reserba upang tapusin ang laban. Bago noon ay nagpasya si kabayan Coach Erik Spoelstra na ipahinga na ang mga bituin ng Heat sa simula ng 4th quarter bilang paghahanda sa Game 3 sa Linggo sa TD Garden.
Nanguna sa opensa si Tatum na may 29 puntos habang 24 puntos din si Brown at 19 puntos si Williams bilang reserba. Malaking bagay din ang pagbalik ni sentro Al Horford galing health protocol at nag-ambag ng 10 puntos
Lalaruin ngayong Sabado ang Game 2 ng Western Conference Finals at sisikapin ng Golden State Warriors na umakyat ng 2-0 kontra sa bisitang Dallas Mavericks. Hindi pa natatalo ang Warriors sa kanilang tahanan ngayong playoffs subalit alam ng Mavs na kaya nila manalo sa Chase Center tulad noong nakaraang Pebrero 27 sa iskor na 107-101.





Comments