top of page

Cebu FC, nagpasiklab sa pagbabalik ng 2023 Football

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 21, 2023
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 21, 2023



ree

Nangyari ang inaasahang pasiklab sa “Visayas Clasico” at naitala ng bisitang Dynamic Herb Cebu FC ang 3-2 panalo sa numero unong Kaya FC Iloilo sa pagbabalik ng 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways noong Sabado sa Iloilo Sports Complex. Matapos ang tatlong buwan na paghihintay, nagpasikat muli ang mga bituin na senyales ng mas pinatinding mga laro sa nalalabing bahagi ng pambansang liga.

Binuksan ni Mert Altinoz ng Cebu ang pagbaha ng goal sa ika-24 minuto subalit itinabla agad ni Daizo Horikoshi ang talaan sa ika-35 minuto bago nangyari ang hindi inaasahan. Itinulak sa likod si Jhan Melliza ng Kaya sa ika-43 minuto na nag-resulta sa pagtatalo at hamunan ng dalawang panig.

Umawat ang mga reperi na agad pinatawan ng red card at pinalabas sa laro sina Simone Rota ng Kaya at Daniel Gadia ng Cebu. Napilitang tapusin ang laro na may tig-10 tao lang ang dalawang koponan subalit lalong uminit ang palitan.

Matapos mahimasmasan ang lahat, nagpakilala ang bagong pirmang si Leaford Allen at naka-goal bago magwakas ang first half at ibalik ang lamang sa Cebu, 2-1. Lalong lumayo ang mga bisita sa isa pang goal ni Elijah Jacob Liao sa ika-55 minuto, 3-1.

Hindi basta sumuko ang Kaya sa harap ng kanilang mga tagahanga at ipinakita ni Horikoshi kung bakit siya ang may pinakamaraming goal sa buong PFL at ipinasok ang kanyang pangalawang goal ng laro upang magbanta sa ika-60 minuto, 3-2. Hanggang doon na lang at hindi nakisama ang talbog ng bola sa Kaya sa gitna ng kanilang mas pinatinding atake sa huling 30 minuto.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page