CCS naka-apat na panalo, Strong Group 'di umubra
- BULGAR
- Mar 13, 2024
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | March 13, 2024

Mga laro bukas (Huwebes) (Philsports Arena)
4:00 n.h. – Petro Gazz vs Farm Fresh
6:00 n.g. – Cignal vs Choco Mucho
Itinala ng Creamline Cool Smashers ang kanilang ika-apat na sunod na panalo upang pansamantalang hawakan ang liderato sa pangwawalis sa baguhang Strong Group Athletics sa bisa ng 25-13, 25-13, 25-19 straight set sa pambungad na laro ngayong araw sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference
Ipinamalas ni dating Southeast Asian Games beach volleyball medalist Bernadeth Pons ang kanyang kahusayan sa atake ng kumana ito ng doble pigura sa unang salang bilang starter sa 12 puntos mula sa 10 atake at dalawang aces tungo sa paglagay sa Cool Smashers sa 4-0 kartada sa harap ng wala pa ring talo na Cignal HD Spikers at Choco Mucho Flying Titans.
Nakatulong rin ng malaki higit na sa third set, kung saan mas lumaban ang Strong Group sa laro, si three-time conference MVP Alyssa Valdez na tumapos ng siyam puntos mula sa walong atake at isang service ace, habang nagdagdag rin sina Jema Galanza, Bea De Leon at Dji Rodriguez ng tig-limang puntos, na muling ginamit ang lahat ng manlalaro na pawang naka-iskor ng higit sa dalawang puntos.
“Nagpapasalamat ako sa trust na ibinigay sa akin sa loob ng mga team mates at ng coaches, kaya naka-ready naman kami kung anong ibinibigay sa amin ni coach. Also, remind ni coach na ‘wag magpabaya at ilaro lang ang laro namin at ‘wag maging complacent pagdating sa laro,” pahayag ng dating Far Eastern University Lady Tamaraws, na masaya ring nakasama sa koponan ang dating kakampi sa national team ng beach volleyball na si Rodriguez. “Nakakatuwa rin kase before sa beach, yung gusto na magkakasama pa rin kami, pero may reason kung bakit nahiwalay ang isa (Cherry Rondina), kaya kilala namin na mag-perform siya (Rodriguez) talaga.”








Comments