top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Cavite Police, proud sa nahuling nagbi-bingo, pero nganga sa bigtime gambling lords

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 17, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 17, 2023



NA-BASH NA NAMAN ANG PAMILYA REMULLA DAHIL SA KASUWAPANGAN SA PUWESTO—Pinuputakte ng batikos ng netizens ang pamilya Remulla dahil ibinida ni Cavite Gov. Jonvic Remulla na ang isang anak ng kapatid niyang si Sec. Boying Remulla ng Department of Justice (DOJ), na si Abeng Remulla ang itinalaga nilang board member sa 7th district ng lalawigan. Ito ay bilang kapalit ng isa pang anak ni Boying, na si dating bokal at ngayo’y 7th district Congressman Ping Remulla.


Aba’y maba-bash talaga sila kasi mantakin n’yo, ibinida pa ng pamilyang Remulla ang kasuwapangan nila sa puwesto. Mga pwe!


◘◘◘


MGA NAGBI-BINGO LANG YATA ANG KAYANG HULIHIN NG CAVITE POLICE KASI ‘NGANGA’ SILA SA RAKET NG MGA BIGTIME GAMBLING LORDS—Ibinida ng Cavite Police Provincial Office (CPPO) na sa ilalim ng pamamahala ni Col. Christopher Olazo ay nakahuli sila ng apat katao na nagsusugal ng bingo sa Naic, Cavite.


Hay naku, ‘yun lang yatang magkakapitbahay na naglilibang sa paglalaro ng bingo— na pa-lima-limang piso lang ang taya — ang kayang hulihin ng tropa ni Col. Olazo para lang masabing nanghuhuli sila ng illegal gambling. Pero pagdating sa mga bigtime gambling lords na milyun-milyon ang kinikita araw-araw sa pangraraket ay ‘nganga’ lang ang CCPO. Boom!


◘◘◘


‘TONGPATS COLLECTOR AT MGA ILEGALISTA SA CAVITE, DAPAT 'TOKHANGIN’—Isang alyas ‘Chan Parak’ daw ang gumagamit ng pangalan nina Cavite Police Director, Col. Christopher Olazo at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 4-A chief, Col. Marlon Santos para makapangolekta ng ‘tongpats’ sa mga ilegalistang manraraket sa Cavite.


Dapat ipa-tokhang nina Col. Olazo at Col. Santos si ‘Chan Parak,’ pati ang mga ilegalistang sina ‘Ariza’ na may STL (Small Town Lottery)-con jueteng; ‘Mr. Yap’ at ‘Chito’ na may pa-perya ng bayan-con jueteng; ‘Egay’ na may kontrol sa color games at drop balls at ‘Eric Turoy’ at ‘Tagoy’ na may kontrol sa sakla sa buong Cavite.


Kapag walang aksyon sina Col. Olazo at Col. Santos laban sa mga nabanggit, isa lang ang ibig sabihin niyan, may permiso nila ang panghihingi ng ‘tongpats’ ni ‘Chan Parak’ sa mga ilegalista.


Boom!

◘◘◘


NOONG NASA CIDG PA SI MAGALONG, ANG TIKAS, PERO ‘LUMAMBOT’ NANG MAGING PULITIKO—Noong nasa police service pa si Baguio City Mayor Benjamin Magalong at siya pa ang director ng CIDG, ang tikas niyang magpahuli ng mga ilegalistang gambling lords.


Pero nang maging pulitiko, biglang ‘lumambot,’ hindi magawang utusan si Baguio City chief of police, Col. Glenn Lonogan na ‘tokhangin’ ang mga ilegalistang sina ‘Patrick’ na may ilegal na ‘mini-casino’ sa Legarda Road at Bokawkan Road; ‘Edna’ at ‘Jimmy’ na may pa-drop balls at color games sa Magsaysay Road, at ‘Nestor’ sa Kayang Hill Top, sa Baguio City. Tsk!



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page