top of page
Search
BULGAR

Cash grant sa mga buntis at lactating mom, dapat lang

ni Ryan Sison @Boses | June 13, 2024



Boses by Ryan Sison


Good news sa ating mga kababayang buntis at mga nagpapasusong ina o lactating moms dahil maisasama na sila sa benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno.


Inaprubahan na kasi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawak pa sa coverage ng 4Ps upang matiyak ang maayos na kalusugan ng mga sanggol at kanilang kaligtasan sa unang 1,000 araw.


Matatandaang noong Pebrero ay inirekomenda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tungkol sa panukalang reporma sa 4Ps, na taasan ang halaga ng 4Ps grant at bigyan din ng cash grants ang First 1,000 days (F1KD) ng mga bata.


Anila, mapapataas din ang adjustments sa purchasing power ng 4Ps beneficiaries habang maiiwasan ang malnutrisyon at pagkabansot ng mga bata.


Sa ilalim ng kasalukuyang programa, ang isang 4Ps benepisyaryong pamilya ay tumatanggap ng daycare at elementary grant na P300 bawat bata kada buwan sa loob ng 10 months, P500 bawat bata kada buwan sa loob ng 10 months para sa junior high school, at P700 bawat bata kada buwan sa loob ng 10 months para sa senior high school. Nasa P750 kada buwan naman ang tinatanggap ng bawat household sa loob ng isang taon para sa growth development at monitoring ng mga batang edad 2 hanggang 14.


Mabuti at nagpasya ang kinauukulan na mas palawigin ang makakatanggap ng cash grants na mga 4Ps beneficiary.


Tama lang na isali na rin nila sa naturang programa para sa mga mahihirap ang ating mga kababayang buntis at nagpapa-breastfeed na mga ina. Sila kasi ang mas nangangailangan ng suporta at pangangalaga na batid naman nating marami sa kanila ang hindi kinakayang magtrabaho.


Kaya kung may matatanggap silang cash ayuda mula sa gobyerno mas magiging magaan ito para sa kanilang mga gastusin gaya ng pagpapa-checkup, pagbili ng mga vitamins at iba pa, habang iisipin na lamang nila ang magpalakas at magpalusog kasabay ng kanilang ipinagbubuntis at siyempre ang magiging beybi nila.


Hiling lang natin sa kinauukulan na sana imbes na pag-ukulan ng panahon at pondo ang pagpapatayo ng mga magagarbong opisina ay mas pagtuunan ng atensyon ang kapakanan ng mga mamamayan at tutukan nang husto ang kalagayan ng mga mahihirap nating kababayan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page