top of page
SPECIAL - SAM, UMAMING NAWALA ANG TIWALA AT RESPETO SA KANILA NI RHIAN KAYA NAGHIWALAY-FB

Carlos gold, Eldrew bronze sa Men's Asian Artistic China

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

by Gerard Arce @Sports News | June 21, 2026



Ginto ang nasungkit ni Carlos Yulo habang ang nakababatang kapatid na si  Eldrew Yulo ay tanso sa Floor Exercise Final ng 13th Senior and 19th Junior Artistic Gymnastics Asian Championships sa Zunyi, China kahapon. Nanguna si Carlos sa score na 14.700 habang si Eldrew ay 14.300 nang makuha ng magkapatid ang dalawa sa tatlong podium spots sa event. 											(pilipinassportsbarpix)

Photo: Ginto ang nasungkit ni Carlos Yulo habang ang nakababatang kapatid na si Eldrew Yulo ay tanso sa Floor Exercise Final ng 13th Senior and 19th Junior Artistic Gymnastics Asian Championships sa Zunyi, China kahapon. Nanguna si Carlos sa score na 14.700 habang si Eldrew ay 14.300 nang makuha ng magkapatid ang dalawa sa tatlong podium spots sa event. (pilipinassportsbarpix)



Tila nasa dugo dumadaloy ang kahusayan, kagalingan at kabantugan ng magkapatid na 2024 Paris Olympic double gold medalist Carlos Edriel “Caloy” at Karl Eldrew Yulo matapos kapwa magpasikat ng medalya sa 2026 Asian Men’s Artistic Gymnastics Championships sa Zunyi Olympic Sports Centre Stadium sa Zunyi, China.


Hindi pa rin napigilan na magpakitang-gilas ang 26-anyos na two-time Olympic champion sa paboritong floor exercises nang makakuha ng 14.700 na iskor para makuha ang ika-12 gintong medalya sa Asian Championships na sinimulang kunin ang ginto noong 2022 Doha meet.


Apat na sunod na taong nadepensahan ng three-time World champion ang kanyang korona na unang beses na nakuha ang kampeonato sa 2022 Doha, 2023 Singapore, 2024 Tashkent at 2025 Jecheon, South Korea, na siyang nag-iisang ginto, kabilang ang tatlong bronze medal sa All-Around, Vault at Parallel Bars.


Kinapos lamang ito sa tansong medalya sa All-Around sa kabuuang 81.864 sa likod ni Teppei Miwa ng Japan na may 82.265, habang pinagharian ni Zhang Boheng ng China ang ginto sa 85.298 at kababayang Yang Haonan sa silver sa 82.398.


Sumegunda kay Carlos si Shomi Tsukiyama ng Japan na nakuha ang silver medal sa naitalang 14.600, habang pumangatlo ang 2025 Junior Asian Championship bronze medalist titlist na si Eldrew sa 14.300.


Nagawang pagbidahan ni Caloy ang qualification round sa pagkamit ng 14.433 iskor, habang rumehistro sa ika-walong puwesto si Eldrew sa 13.600 upang umabante sa finals.


Nakatakda pang sumabak sa dalawang apparatus ang 9-time Southeast Asian Games champion na si Caloy sa parallel bars at horizontal bars finals, habang lalahok din ang nakababatang kapatid sa pare-parehong aparato.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page