top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

Cardinals, dumikit sa Final 4; Arellano, swak na sa play-in

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 28, 2022
  • 2 min read

ni GA - @Sports | April 28, 2022



Lumapit sa inaasam na Final 4 berth ang Mapua University Cardinals nang litisin ang laglag na sa kompetisyon na Lyceum Pirates sa iskor na 75-65, kahapon para sa huling linggo ng elimination round ng 97th NCAA men’s basketball tournament “Stronger Together, Buo ang Puso” sa LSGH-St. Benilde Gymnasium sa Mandaluyong City.


Nakamit ng Mapua ang ika-4 na sunod na panalo at umasang makakapuwesto sa No.2 spot ng Final 4 spot at bonus na twice-to-beat advantage sakaling matalo ang San Beda Red Lions (7-1) sa undefeated at defending champion na Letran Knights (8-0) sa Biyernes, sa pagbabalik ng liga sa Fil-Oil Flying V-Centre sa San Juan City, at mahulog sa No.3 para lumaban sa play-in stage katapat ang No.4 ranked pagkatapos ng eliminasyon.


Naging malaking tulong ang bench scoring para sa Mapua ng 37 puntos mula sa double-double performance ni Arvin Gamboa sa 10 puntos, 11 rebounds habang nanguna sa puntusan si Paolo Hernandez sa 13pts, habang hindi matatawaran ang kontribusyon ng starters na sina Toby Agustin sa 13pts, at Brian Lacap sa 12pts.


Medyo may pressure kase talaga pagpasok ng season lalo na 'yung performance namin last time, kaya nag-try lang na i-enjoy lang. Sabi lang ni Coach Randy na sabayan namin 'yung nakuha naming kumpiyansa sa laro,” wika ni Gamboa.


Samantala, ibinulsa ng Arellano Chiefs ang unang silya sa play-in stage matapos malampasan ang Jose Rizal Bombers sa pamamagitan ng 65-62 panalo.


Binitbit ni Arellano center Justin Arana ang koponan sa season-high at career-high 29 points upang makuha ang 4-5 kartada. Nakakuha ng malaking tulong si Arana kina Kalen Doromal na may 13pts at Raymart Sablan na may 11pts. Tinapos naman ng Bombers ang kampanya hawak ang lagpak na record na 1-8 na pinangunahan naman ni Evan Agbong sa 16pts at Marwin Dionisio sa 11pts.


Mga laro bukas (Biyernes) Fil-Oil Flying V-Centre - 12 n.t. – UPHSD Altas vs. EAC Generals; 3:00 n.h. – Letran Knights vs. San Beda Red Lions.







Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page