ni Anthony E. Servinio @Sports | June 22, 2024
Mga laro ngayong Sabado – MOA
11 AM Alemanya vs. Estados Unidos
3 PM Canada vs. Netherlands
7 PM Pransiya vs. Japan
Pasok na ang Canada sa knockout quarterfinals ng 2024 FIVB Men’s Volleyball Nations League (VNL) matapos ang pinaghirapang 26-24, 25-19 at 26-24 tagumpay sa Brazil Biyernes sa MOA Arena. Sa isa pang laro, napigil ng Pransiya ang umaarangkadang Iran, 25-21, 25-17 at 25-20.
Parehong bitbit ang kartadang 6-3, hindi nagbigayan ang Canada at Brazil sa unang set. Naging mas madali ang pangalawang set subalit kinailangan ng mga Canadian na ipasok ang magkasunod na puntos upang kumalas sa 23-23 tabla at kunin ang laban.
Binuhat ang Canada ni outside hitter Eric Loeppky na nagtala ng pantay na tig-7 puntos sa bawat set para sa 21 puntos. Sa kanilang ika-7 panalo sa 11 laro, nakakasiguro na ang Canada sa ika-6 na puwesto papasok sa huli nilang laro ngayong araw kontra Netherlands simula 3 p.m.
Pinalamig ng mga Pranses ang mga Iranian na nasa gitna ng dalawang tagumpay sa Estados Unidos at Netherlands. Nagpakitang-gilas ang tambalang Jean Patry na may 16 at Trevor Clevenot na may 12 puntos.
Umangat ang Pransiya sa 7-3, kalahating laro ang lamang sa 7-4 Canada. Haharapin ng mga Pranses ang Japan sa tampok na laro ng 7 p.m.
Samantala, nanalo na ang Estados Unidos ngayong yugto at iniligpit ang Brazil sa limang set – 25-21, 18-25, 25-21, 22-25 at 15-9 – noong Huwebes ng gabi sa likod ng 21 ni Torey Defalco at tulong nina Maxwell Holt, Matt Anderson at Taylor Averill. Mahalaga na mawalis ng mga Amerikano ang mga nalalabing laro sa Alemanya ngayon at Japan sa Linggo upang magkaroon ng pag-asa sa quarterfinals na gaganapin sa Poland mula Hunyo 27 hanggang 30.
Comments