Canada, bronze medalist sa FIBA World Cup 2023
- BULGAR
- Sep 11, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 11, 2023

Naisalba ng Canada ang ikatlong puwesto matapos ang makapil hiningang 127-118 panalo kontra Team USA sa huling araw ng 2023 FIBA World Cup sa Mall of Asia Arena.
Ito na ang pinakamataas na naabot ng koponan sa kasaysayan ng torneo.
Ipinilit ni Mikal Bridges ang overtime, 111-111, sa kanyang milagrong three-points matapos pulutin ang sariling mintis sa free throw. Subalit nasayang ito ang araw talaga ng Canada.
Binuksan nina RJ Barrett at Shai Gilgeous-Alexander ang overtime sa limang magkasunod na puntos, 116-111. Dumoble ang lamang sa 125-115 na may 26 segundo sa orasan upang makumpleto ang pagpapahiya sa mga Amerikano ng kanilang kapitbahay sa Hilaga.
Nag-iwan ng matinding ala-ala si SGA para sa mga Pinoy at nagsabog ng 31 puntos at 12 assist. Nag-ambag ng 23 puntos si Barrett. Maliban sa tanso, nakamit din ng Canada ang isang upuan sa Paris 2024 Olympics. Huli silang napabilang sa palaro noong Sydney 2000 kung saan ang isa sa manlalaro ay si Rowan Barrett na ama ni RJ.
Nanguna muli sa Team USA si Anthony Edwards na may 24 puntos. Sumunod si Bridges na may 19 puntos. Sa muling pagkabigo ng mga Amerikano, lumakas ang panawagan na ipadala sa sunod ang kanilang mga superstar. Ayon kay Coach Steve Kerr, lumiit na ang agwat ng husay ng mga bansa at hindi na ito 1992 kung saan inilampaso ng orihinal ng Dream Team ang Barcelona Olympics.
Sa mga consolation games, nauwi ng Latvia ang ika-limang puwesto nang talunin ang kapitbahay Lithunia, 98-63, noong Sabado ng gabi. Nalimitahan ng Latvia ang kalaro sa siyam na puntos lang noong third quarter at hindi na ito nakabangon.
Pinaglalabanan ng Serbia at Alemanya ang kampeonato kagabi.








Comments