CamSur Express pakay makauna sa best-of-3 semis
- BULGAR
- Sep 13, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 13, 2023

Mga laro ngayong Miyerkules – Fuerte Sports Complex, Pili
5 p.m. Biñan vs. Kapampangan
7 p.m. Taguig vs. Cam Sur
Bubuhayin ng host Cam Sur Express ang pag-asa para sa unang kampeonato sa Game 2 ng best-of-three semifinals laban sa bisitang Taguig Generals para sa 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup sa Fuerte Sports Complex sa Pili, Camarines Sur ngayong araw simula 7 p.m. Pareho rin ang layunin ng Tatak GEL Biñan at sisikaping itabla ang serye nila kontra KBA Luid Kapampangan sa unang laro ng 5 p.m.
Nakauna ang 2022 Chairman's Cup kampeon Generals sa Express, 83-60, noong Setyembre 8 sa Cong. Jun Duenas Gym sa Signal Village. Hinirang na Best Player si Fidel Castro na pumukol ng apat na three-points sa first half kung saan lumayo agad ang Generals, 50-28.
Ang maglaro sa sariling tahanan ay tiyak makakatulong kay Verman Magpantay, Joshua Ayo at Arnaldo Magalong na mahanap ang kanilang shooting na nawala sa gitna ng mahigpit na depensa ng Taguig. Tanging si Fredson Hermonio ang nagtala ng 10 puntos, lahat sa first half.
Muling naging dikitan ang tapatan ng Biñan at Kapampangan na umabot sa patibayan sa free throw sa huling minuto hanggang maitakas ng Luid ang 91-88 tagumpay.
Bumanat ng 10 ng kanyang kabuuang 28 puntos si Marc Jhasper Manalang sa 4th quarter at sumunod ang numero uno sa puntusan ng NBL Lhancer Khan na may 22.
Humugot ng mahusay na laro ang Tatak Gel kay Danny Diocampo na may 25 puntos at Allan Bernard Papa na may 20 puntos at 14 rebound. Nalimitahan sa 9 na puntos lang si Alexander Villacorta at mahalaga na gumana ang kanyang opensa kung nais ng Biñan na maglaro ng Game 3. Kung kakailanganin, ihahayag agad ng liga ang petsa, oras at lugar ng Game 3. Ang serye para sa kampeonato ay best-of-five.








Comments