Buto ng kalabasa kontra diabetes at depression
- BULGAR
- Aug 29, 2023
- 3 min read
ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 29, 2023

Dear Doc Erwin,
Kamakailan lamang ay kumonsulta ako sa isang doktor ng integrative medicine tungkol sa aking diabetes at depression. Sa aking edad na mahigit na 40 ay matagal ko nang iniinda ang aking mataas na blood sugar level at pagiging malungkutin.
Bukod sa aking maintenance medicine para sa aking diabetes at depression ay pinayuhan ako ng aking doktor na madalas na pagkain ng pumpkin seed o buto ng kalabasa. Ayon sa kanya, ito ay isang “functional food” at makakatulong sa aking diabetes at ganoon din makakatulong sa aking depression.
Ano ang functional food at paano nakakatulong ang mga pumpkin seed o buto ng kalabasa sa diabetes at depression? May basehan ba ang paniniwala na ito ayon sa mga pananaliksik? Sana ay masagot ninyo ang aking mga katanungan. - Leandro
Maraming salamat, Leandro sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng Bulgar newspaper.
Ayon sa Second Edition ng Encyclopedia of Food Sciences and Nutrition ang mga “functional foods” ay mga pagkain na bukod sa kanilang mga nutritional properties na nagpapalusog ng ating pangangatawan ay may karagdagan na properties na nakakatulong upang ma-enhance ang physical performance at state of mind o estado ng ating kaisipan.
Ang mga functional foods ay nakakatulong upang maiwasan ang sakit, gumaling sa sakit, ma-control ang sakit ng ating katawan at pag-iisip, at pabagalin ang pagtanda ng ating pangangatawan (slow aging process).
Ayon sa mga scientific research, may beneficial properties ang mga functional foods sa paglaban sa cancer, sakit sa puso, diabetes, obesity, high blood pressure, inflammation, iba’t ibang uri ng impeksyon, sakit sa pag-iisip at sa marami pang sakit.
Sa isang review article, na isinulat ng mga mananaliksik sa pangunguna ni Dr. Joachim Dotto ng Nelson Mandela African Institution of Science and Technology, sa scientific journal na Scientific African, na inilathala noong September 2020, itinuring ang pumpkin seed o mga buto ng kalabasa na isang functional food na may kakayahan na labanan ang iyong sakit na diabetes at depression.
Batay din sa mga scientists tumutulong ito upang labanan ang cancer (antitumor), at may antioxidant, cytoprotective at antihelminthic activities ang pumpkin seeds.
Sa iba’t ibang mga pag-aaral napag-alaman ng mga scientists na ang pumpkin seed ay nagpapataas ng release ng insulin ng ating katawan. Ang insulin ay nagpapababa ng blood sugar level. Nabatid din na ang pumpkin seeds ay nakakapagpababa ng blood sugar level matapos kumain (postprandial blood sugar level). Mayaman din sa dietary fiber na pectin ang pumpkin seeds. Nakakatulong ang pectin na mapababa ang blood sugar at nababawasan din ang pangangailangan ng katawan sa insulin.
Base sa isang pag-aaral, kung saan sinaliksik ng mga scientists ang Antidepressant Food Score (AFS) ng mga pagkain kasama na ang pumpkin seed, napag-alaman na ang huli ay may antidepressant food score na 47%. Ibig sabihin nakakatulong ang pumpkin seed upang labanan ang depression. Ayon sa mga scientists ito ay dahil sa sangkap na Tryptophan ng pumpkin seed, isang essential amino acid, at 5-hydroxytryptophan, mga importanteng gamot laban sa depression.
Dahil sa mga nabanggit, makakatulong sa ‘yo at sa iyong mga sakit na diabetes at depression ang pumpkin seeds.
Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan at nadagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa pumpkin seeds at mabubuting epekto nito sa ating katawan.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com








Comments