Bus lane sa Quezon avenue tulad sa EDSA, kontra-trapik at aksidente
@Editorial | January 10, 2021
Sa kabila ng ipinatutupad na community quarantine dahil sa banta ng COVID-19, tila bumabalik sa dati ang mga eksena sa kalsada.
Grabe ang trapik, nagkalat ang mga pasaway partikular sa batas-trapiko at ang mga insidente ng banggaan dulot ng katigasan ng ulo.
Tulad sa kahabaan ng Quezon Avenue, sa Lungsod ng Quezon, labu-labo ang mga sasakyan, may biglang sumisingit, hihinto kung kailan gusto, hindi muna sumi-signal, ganundin ang mga pampasaherong sasakyan, mula sa mga jeep, taxi, lalo na ang mga bus.
Kung sa EDSA ay may sarili nang linya ang mga bus driver, sa QC Ave., at iba bang kalsada sa Metro Manila, eh, nagkalat pa rin ang mga pasaway na drayber.
Akala nila maliit ang minamanehong sasakyan na hindi makakadisgrasya. Tipong sila na ang nakasagi, sila pa ang galit. May mga pagkakataon pa na bigla rin silang tumatabi at humihinto na para bang walang ibang motorista. Talagang feeling hari ng lansangan, mga pasaway!
Kaya ang panawagan ngayon hindi lang ng mga drayber kundi maging ng mga komyuter ay magtalaga rin ng bus lane sa ibang kalsada na katulad nang sa EDSA.
Sa pamamagitan nito ay mawawala o mababawasan man lang ang mga pasaway.
Nakalulungkot dahil marami nang batas-trapiko at sapat na sana ang mga ito para mapanatili ang kaayusan sa lansangan pero, may mga matitigas pa rin kasi ang mukha na hindi sumusunod.
Gusto nilang mas hinihigpitan kesa maging disiplinado.



Comments