Bulto-bultong SIM cards nakumpiska, 650 'huli'.. Pugad ng cyberscam, buking
- BULGAR

- Aug 3, 2023
- 1 min read
ni BRT @News | August 3, 2023

Nalansag ng mga awtoridad ang pinaniniwalaang pugad ng cyberscam activities makaraang salakayin ang isang POGO hub sa Pasay City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na hindi lamang online gaming ang operasyon sa lugar kundi sangkot din umano sa love scam at cryptocurrency na ang mga binibiktima ay mga dayuhan.
Dahil dito, naglunsad ng joint operations ang mga operatiba ng Department of Justice Inter-agency Council Against Trafficking, National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division, PNP Women's and Children Protection Center at Presidential Anti-Organized Crime Commission sa Rivendell Gaming Corporation sa SKK Bldg. sa P.
Zamora St., Pasay City nitong Miyerkules ng gabi.
Pinasok ng mga awtoridad ang nabanggit na gusali sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Maria Victoria Soriano Villadolid ng Manila Regional Trial Court Branch 24 at naabutan ang 650 na mga empleyado, 186 dito ay mga dayuhan at ang natitirang 464 ay mga Pinoy.
Sakop umano ng POGO hub ang limang palapag ng gusali kung saan ginagawa umano ang kanilang ilegal na operasyon.
Nakita sa sinalakay na POGO hub ang daan-daang telepono, computers, bulto-bultong SIM cards at iba pang kagamitan kasama na ang mga dokumento ng pinaniniwalaang scripts para sa love scam.
Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, mayroon silang asset sa loob ng POGO hub kaya nabuking ang operasyon.
Rehistrado umano ang kumpanya bilang lisensyadong Philippine Offshore Gaming Operator subali pinagdudahang front lamang ito ng scam operations.
Inaalam na rin kung paano nagagawang makapang-scam ang mga empleyado sa kabila ng implementasyon ng SIM Registration Law.





Comments