top of page
Search
  • BULGAR

PUBLISHER'S NOTE - Bulgar Boses ng Masa: Kaisa sa Pagkakaisa para sa Pagbangon

ni Ryan Sison - @Publisher's Note | December 2, 2022


Panibagong taon, bagong pagkakataon para bumangon.


Hindi pa rin tapos ang ating laban mula sa iba’t ibang hamon na ibinato sa atin ng mga nakalipas na taon.


Dalawang taon mula nang manalasa ang pandemya, patuloy tayong nahaharap sa iba’t ibang pagsubok — nar’yan ang krisis pangkalusugan, problema sa pagkain, pangkabuhayan, sistema ng edukasyon, walang tigil na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo, at siyempre, ang lumalalang problema sa trapik at basura.


‘Yan ang madalas nating marinig sa balita sa radyo, telebisyon at maging sa dyaryo. Sa tulong naman ng social media, mas madaling naipararating sa publiko, gayundin sa mga kinauukulan ang iba pang problema.


Sa totoo lang, maraming pinadapa ang pandemya — hanapbuhay, negosyo, at ekonomiya.


Dahil d’yan, non-stop ang pagtaas ng presyo ng lahat ng bagay at bilihin, na siyang nagpapahirap sa ating mga kababayan.


Pero ‘ika nga, sa dami ng mga nangyari sa bansa, batid nating maraming pagbabago at kailangan nating sumabay.


Hindi man madali ang mga pagbabagong ito, gayundin ang mga hamon na hinaharap natin araw-araw, nandito ang BULGAR upang maging kaisa ninyo sa pagbangon.


Bilang kolumnista at publisher ng ating pahayagan, masaya kong ibinabalita sa inyo na ang BULGAR ay nagdiriwang ng ika-31 anibersaryo. Dahil dito, walang sawa akong nagpapasalamat sa inyong pagsuporta sa ating pahayagan.


Gayunman, naniniwala tayo na lahat ay may magagawa para sa pagbangon ng ating bansa. Anuman ang katayuan sa buhay, hindi ‘yan hadlang para maging bahagi ng pagkakaisa. Kaya sa mga susunod na pahina, bibigyang-daan natin ang pahayag ng iba’t ibang tao na sinikap naming makapanayam upang malaman ang kanilang magagawa para maging kaisa sa pagkakaisa para sa pagbangon ng bansa.


Makikita rin sa isyung ito ang isinagawa naming outreach program noong Nobyembre 28, 2022, kung saan nagkaroon tayo ng medical, dental, optical at legal mission dito sa aming opisina na nilahukan ng mga kababayan nating higit na nangangailangan ng tulong.


Katuwang natin ang Public Attorney’s Office (PAO), kaya daan-daang residente sa Quezon City ang ating natulungan sa serbisyong medical, dental, optical at legal sa tulong ng mga doktor, nurses at abogado ng PAO.


Kaya naman, nais nating magpasalamat sa PAO, gayundin sa kanilang mga volunteer doctors, nurses at lawyers. Kung hindi dahil sa kanilang libreng serbisyo, hindi natin maisasakatuparan ang misyong ito.


Maraming-maraming salamat din sa Federation Of Filipino Chinese Chambers Of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII), Doña Maria Rice, Unilab, Maynilad, at Kamuning Bakery na naging sponsor ng ating outreach program.


Hindi rin natin palalampasin ang pagkakataong ito para magpasalamat sa mga mahal nating kolumnista at senador na sina Sen. Bong Go at Sen. Imee Marcos na personal na nagtungo sa aming opisina para magpahatid ng tulong sa mga lumahok sa ating medical mission, gayundin ang pagdalo ni Cong. Arjo Atayde.


Mga ka-BULGAR, hindi ito simpleng programa para sa ating mga kababayan dahil isa rin itong hakbang ng ating pahayagan upang maging kaisa ng bawat isa tungo sa pagkakaisa.


Naniniwala tayo na ang maayos na kalusugan ay magandang simula upang makatulong ang isang mamamayan sa pagbangon ng bansa.


Sabi nga, ang kalusugan ay kayamanan, at napatunayan natin ‘yan sa mga nakalipas na taon.


Gayundin, hangad nating magbigay-paalala ang naturang programa na pangalagaan natin ang kalusugan sa abot ng ating makakaya. Ito ang ating puhunan para tayo’y makapaghanapbuhay at manatiling malakas laban sa banta ng iba’t ibang sakit.


Sa kabilang banda, batid nating marami nang mulat sa mga nangyayari sa bansa. At maging sila ay handang maging bahagi ng pagkakaisa para sa pagbangon ng Pilipinas.


Kaya hangad nating maging malaking tulong ang patuloy na pagbibigay natin ng mga tunay at napapanahong balita.


‘Ika nga, hindi na tayo dapat magbulag-bulagan, kaya naniniwala tayong panahon na para pakinggan ang sigaw ng taumbayan.


Bilang kaisa ninyo sa pagkakaisa para sa pagbangon, ang BULGAR ay patuloy na magiging daan upang maging boses ng masa at mata ng bayan.

Muli, maligayang ika-31 anibersaryo sa BULGAR at mabuhay tayong lahat!


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page