Buking sa TikTok... 20-anyos, nagbantang mamamaril sa iskul, kulong
- BULGAR

- 2 days ago
- 1 min read
by Jeff Tumbado @News | August 21, 2026

Photo: Circulated
Arestado ang isang 20-anyos na culinary graduate matapos umano nitong magbanta sa isang TikTok livestream na magsasagawa siya ng pamamaril sa isang pribadong unibersidad sa Cebu City.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa pangalang Clarence, residente ng Brgy. Tabok, Mandaue City.
Naaresto ang suspek makalipas ang halos dalawang araw ng kanyang TikTok livestream kung saan siya nagbanta na pupunta sa isang malaking unibersidad sa Cebu City upang mamaril doon.
Sa comment section ng kanyang livestream, sinabi umano ng suspek: “Mag School Shooting ko ara ugma.” o “Mag-school shooting ako roon bukas.”
Nakita ng isang estudyante ng nasabing unibersidad ang komento at agad humingi ng tulong sa Parian Police Station at sa PNP Anti-Cybercrime Unit upang matukoy at mahanap ang suspek.
Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 kaugnay ng umano’y pagbabanta na kanyang ginawa online.





Comments