Buhay pag-aasawa ng mag-dyowang Taurus at Sagittarius, suwerte at pang-forever
- BULGAR
- Feb 21, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Pebrero 21, 2023
Dear Maestro,
Tatlong taon na kami ng boyfriend ko sa March 22, kaya ngayon ay nagbabalak na kaming magpakasal.
Plano naming magpakasal sa June o December 2024, okey ba ang napili naming buwan at taon para magpakasal? Ang pangalawang tanong ko ay compatible ba kami ng boyfriend ko at kapag kami ay nagsama bilang mag-asawa, magiging okey ba ang relasyon namin?
Panghuli, magiging masagana at magiging maligaya ba ang itatayo naming pamilya balang-araw?
December 6, 1997 ang birthday ko, habang May 12, 1996 naman ang boyfriend ko.
Umaasa,
Jheng ng San Jose, Lipa City, Batangas
Dear Jheng,
Kung ang boyfriend mo ay may sasakyan o medyo kayumanggi ang kulay ng balat, gayundin, okey o maganda naman ang pangangatawan, ibig sabihin ay hindi payat, sa halip ay maskulado o medyo may muscle o may dating ang pangangatawan, tiyak na bukod sa compatible kayo sa Numerology at zodiac sign, compatible rin kayo sa body physique o physical traits.
Ganu’n kasi ang kadalasang napapangasawa ng mga babaeng isinilang sa buwan ng December, lalo na mula sa December 12 hanggang 27, kung saan medyo kayumanggi ang balat ng kanilang napapangasawa, kaya tamang-tama lang ang maskuladong pangangatawan at may sasakyan.
Kaya ang mga datos sa itaas ay patunay na compatible talaga kayo, bukod sa katotohanang karamihan sa mga isinilang sa buwan ng Disyembre na tulad mo ay nakakapangasawa ng mga isinilang sa buwan ng Mayo tulad ng boyfriend mo na isinilang noong May 12, 1996.
Dagdag pa rito, kung ikaw naman ay medyo sexy, hindi kaitiman, ibig sabihin ay medyo maputi at maganda ang hubog ng balakang hanggang sa may pagka-chubby nang kaunti ang iyong pangangatawan, tulad ng nasabi na, tugma kayo ng lalaking mapapangasawa mo pagdating sa zodiac sign, Numerology at maging sa body physique. Sapagkat karaniwan namang napapangasawa ng mga lalaking isinilang sa buwan ng Mayo ay ang may mga nasabing physical description sa itaas.
Kaya kung binabalak n’yong magpakasal sa December o June 2024, okey ang nasabing panahon, iwasan n’yo lang ang buwan ng Enero, gayundin ang buwan kung saan natapat ang Mahal na Araw o Semana Santa upang matiyak ang maligaya at panghabambuhay na samahan.
Dagdag pa rito, huwag n’yong kakalimutang itapat ang araw ng inyong kasal sa panahong papabilog o papalaki ang bulas ng buwan sa kalangitan, mula sa new moon, full moon o first quarter. Dahil tulad ng papabulas at papalaking liwanag ng buwan, papabulas, papaunlad at papasagana ang itatayo n’yong pamilya, habang patuloy kayong nagsasama at nagmamahalan.
Samantala, upang lalong maging okey ang inyong pagmamahalan, sa araw ng kasal, piliin ang kulay na red o lavender na motif upang ang suwerte, kasaganaan at magandang kapalaran ay manahan sa itatayo n’yong pamilya habambuhay.




Comments