Budget sa flood control, tiyaking ‘di mapupunta sa mga ‘buwaya’
- BULGAR

- 10 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | August 13, 2026

Hindi biro ang daang bilyong pisong pondong hinihingi para sa flood control sa 2027.
Sa bansang taun-taong nilulunod ng malalakas na ulan at binabayo ng bagyo, kailangan ang malaki at tuluy-tuloy na puhunan para sa mga proyektong tunay na makababawas sa panganib ng pagbaha. Pero dahil napakalaki ng perang nakataya, hindi sapat ang katwirang kailangan ito dahil palaging binabaha ang bansa.
Kailangang busisiin ng Kongreso ang bawat proyekto, bawat lokasyon, bawat kontrata at bawat pisong nakapaloob sa panukalang pondo.
Dapat malinaw kung alin ang tunay na prayoridad at alin ang maaaring isiningit lamang sa badyet.
Kailangang itanong kung may sapat na pag-aaral ang mga proyekto, kung tama ang halaga, kung hindi magkakapatong ang mga programa, at kung ang mga ito ba ay tugma sa pangmatagalang flood management plan ng mga komunidad.
Hindi dapat maging taunang ritwal ang pagbuhos ng bilyun-bilyong piso sa mga dike, drainage, pumping station at iba pang imprastraktura habang ang parehong mga lugar ay paulit-ulit na lumulubog sa baha. Kung gumagastos nang ganito kalaki ang gobyerno, may karapatan ang publiko na makita at masukat ang resulta.
Kaya sa paghimay sa 2027 national budget, bantayan ang flood control funds nang mas mahigpit kaysa dati. Ilantad ang kumpletong listahan ng mga proyekto, halaga, lokasyon, contractor at batayan ng pagpili sa mga ito, at tiyaking may malinaw na pananagutan mula sa paglalaan hanggang sa implementasyon.



Comments