top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Bryant, umalagwa sa Lakers, Magic, umulit sa Celtics

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 20, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 20, 2022




Ibang Bryant ang bumida para sa Los Angeles Lakers sa kanilang makapigil hiningang 119-117 panalo sa bisitang Washington Wizards sa NBA kahapon mula sa Crypto.com Arena. Isinalpak ni sentro Thomas Bryant ang bola na may 7 segundong nalalabi para sa bihirang magkasunod na panalo ngayong taon.


Bago noon, itinabla ni Bradley Beal ang iskor sa 117-117 at tumawag ang Lakers ng timeout na may 23 segundo sa orasan. Eksaktong napasahan ni LeBron James si Bryant – kapareho lang ng apelyido sa namayapang alamat Kobe Bryant – para sa nagpapanalong buslo at nagmintis ang minadaling 3-points ni dating Laker Kyle Kuzma sabay tunog ng huling busina.


Nagtapos na may double-double na 16 puntos at 10 rebound si Bryant at mas malaking papel ang aasahan sa kanya matapos mabalitaan ng Lakers na isang buwan hindi maglalaro si Anthony Davis dahil napilay ang paa. Umusok para sa 33 puntos si LBJ at sinundan ni Lonnie Walker IV na may 21 puntos.


Pinatunayan ng Orlando Magic na hindi tsamba ang 117-109 panalo nila sa Boston Celtics noong isang araw at umulit, 95-92, para sa kanilang ika-9 na sunod na tagumpay.


Dahil dito, bumagsak sa pangkalahatang pangalawa ang Celtics sa kartadang 22-9 at tahimik na may bagong numero uno sa NBA na Milwaukee Bucks sa 21-8.


Walang kabang ipinasok ni Moritz Wagner ang dalawang free throw na may 5 segundo sa orasan. Bumida si numero unong rookie Paolo Banchero sa 31 puntos at sinundan ng reserbang si Admiral Schofield na may 13 puntos.


Isa pang mainit na koponan ang New York Knicks na sumandal sa 30 puntos ni Jalen Brunson upang masugpo ang Indiana Pacers, 109-106. Anim na rin ang sunod na tagumpay ng kanilang kapitbahay Brooklyn Nets matapos manaig sa Detroit Pistons, 124-121.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page