top of page

Brownlee puwede nang maglaro sa Gilas Pilipinas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 4, 2024
  • 2 min read

ni Anthony Servinio @Sports | February 4, 2024


ree

Maaaring maglaro na para sa Gilas Pilipinas ang bayani ng 19th Asian Games Hangzhou Justin Brownlee simula sa 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers ngayong Pebrero. Ito ay matapos ilabas ng FIBA ang desisyon tungkol sa kaso ng paggamit umano ng ban substance matapos ang kampeonato noong Oktubre. 


Ayon sa mga nalikom na detalye, nagpataw ng tatlong buwang suspensiyon kay Brownlee ang FIBA at hindi siya papayagang lumahok sa kahit anong bagay na may kinalaman sa Basketball mula laro hanggang ensayo. Subalit hindi na inapela ang pagiging positibo ng paunang pagsusuri at kusang nagpahinga si Brownlee simula Nobyembre 9, pangunahing dahilan bakit hindi niya nasamahan ang Barangay Ginebra Kings sa depensa ng korona sa tumatakbong PBA Commissioner’s Cup. 


Ibinilang ng FIBA ang panahon mula Nobyembre 9 at papatak ang ikatlong buwan sa Pebrero 9.  Ayon kay Gilas Coach Tim Cone, balak nilang magdaos ng maikling kampo bago ang paglakbay sa Hong Kong sa Pebrero 22 at ang pagdalaw ng Chinese-Taipei sa 26 sa Philsports Arena. 


Maliban sa kusang pagpapahinga, nakababa sa parusa na ang nakitang gamot kay Brownlee ay matagal nang inalis sa listahan ng mga bawal at wala itong kinalaman sa kanyang pagiging atleta. Matatandaan din na sumailalim sa operasyon sa paa si Brownlee bago ang Asian Games at maaaring ang gamot ay nasama dito at sa kanyang paghilom. 


Sa Pebrero 9 ang pinakamaagang petsa na matatapos ang PBA Finals kung saan kasali sina June Mar Fajardo at CJ Perez para sa San Miguel Beer. Kung aabot ng Game Seven, ito ay gaganapin sa 16 at iyan lang ang panahon na maaaring mabuo ang 12 manlalaro kasama ang manggagaling Japan na sina Dwight Ramos, Kai Sotto at AJ Edu. 


Ang iba pang mga manlalaro ay sina Scottie Thompson, Jamie Malonzo, Calvin Oftana, Chris Newsome, Carl Tamayo at Kevin Quiambao. Itinalagang team manager at tutulong din si Coach Richard del Rosario habang hindi pa inihahayag ang iba pang coaching staff.


 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page