top of page
Search
BULGAR

Brownlee hindi kinalawang, ipinanalo ang Gilas kontra Hong Kong sa 2025 FIBA Qualifiers

ni Anthony Servinio @Sports | February 22, 2023






Binuksan ng Gilas Pilipinas ang bagong kabanata sa gabay ni Coach Tim Cone at inukit ang 94-64 panalo kontra host Hong Kong sa pagsisimula ng 2025 FIBA-Asia Cup Qualifiers sa Tsuen Wan Stadium Miyerkules ng gabi. Humugot ng malaking numero mula kay Justin “Noypi” Brownlee at Kai Sotto sa third quarter upang tuluyang iwanan ang kalaro, 71-46.


Sa fourth quarter ay ipinako ng Gilas ang Hong Kong sa 61 puntos at ipinasok ni Carl Tamayo ang buslo na sinundan ng pito pang puntos mula kay Kevin Quiambao para sa kanilang pinakamalaking agwat, 92-61. Mula doon ay inalagaan nila ito sa nalalabing isang minuto.


Tumalon ang mga Pinoy sa maagang 9-0 bentahe subalit pumalag ang Hong Kong hanggang naagaw saglit ang lamang sa second quarter, 30-29, sa shoot ni dating Bay Area Dragon sa PBA Duncan Reid at tres ni Yeung Sui Hung. Binawi agad ni Quiambao, 31-30, ang lamang at tuluyang itayo ang iskor na 41-37 pagsapit ng halftime.


Namuno sa atake si Brownlee na may 14 sa unang tatlong quarter at nagtapos na may 16 puntos, pitong rebound at pitong assist. Sumunod si Quiambao na humabol sa huling minuto na may 15 puntos habang may 13 at 15 rebound si Sotto at 11 galing kay Jamie Malonzo.


Pumukol ng limang tres si Leung Shiu Wah para 15 puntos. Nag-ambag ng 12 si Reid.


Susunod para sa Gilas ang Chinese-Taipei ngayong Linggo sa Philsports Arena simula 7:00 ng gabi. Galing ang mga Taiwanese sa masakit na 89-69 tambakan sa kamay ng bisita Aotearoa New Zealand sa isa pang laro sa Grupo B.


Bumida sa mga Kiwi ang dalawang naging import ng Converge FiberXers sa PBA na sina Ethan Rusbatch na may 26 at Tom Vodanovich na may 16. May 16 din si Sam Timmins.


0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page