ni Anthony Servinio @Sports | February 7, 2024
Laro ngayong Huwebes – Pinatar Arena
Pilipinas vs. Sweden (para 3rd)
Tumanggap ng 2-0 pagkatalo ang Under-17 Philippine Women’s Football National Team sa Inglatera sa semifinals ng 2024 MIMA Cup sa Pinatar Arena sa Espanya Martes ng madaling araw, oras sa Pilipinas. Sunod na haharapin ng Batang Filipinas ang Sweden para sa tanso ngayong Huwebes sa parehong palaruan.
Naglabas ng mahigpit na depensa ang mga Pinay subalit malinaw na dominado ng mga Ingles ang laban. Hindi nagtagal ay inulo papasok ni Izzy Fisher ang bola sa ika-36 minuto at walang nagawa si goalkeeper Samantha Hughes.
Nagsugal si Coach Sinisa Cohadzic at pinaupo sa ika-51 si Nina Mathelus, na markado at hindi makakuha ng bola, at ipinasok si Sophia Saludares subalit walang nakapigil sa arangkada. Na-doble ang agwat sa isa pang goal ni Emily Cassap sa ika-56.
Haharapin ng Inglatera para sa kampeonato ang Scotland na tinakasan ang Sweden, 3-2. Tabla ang laro sa 2-2 at ipinasok ni kapitana Laura Berry ang nagpapanalong goal sa ika-87 minuto.
Kahit bigo, malaking karanasan ang napulot ng koponan bilang paghahanda para sa kanilang makasaysayang unang paglahok sa 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup.
Kamakailan ay inihayag ng host Indonesia na ililipat nila ang petsa ng torneo sa Mayo 6 hanggang 16 mula sa orihinal na Abril 7 hanggang 20.
Samantala, inilabas ng Philippines Football League (PFL) ang listahan ng 15 koponan ngayong 2024 kumpara sa pito noong 2023. Pinangungunahan nito ng defending champion Kaya Iloilo at mga nagbabalik na Dynamic Herb Cebu, Stallion Laguna, Mendiola 1991 at Maharlika Taguig.
Magbabalik din ang dating kampeon United City na umatras sa gitna ng huling torneo.
Matapos ang ilang taon ng pahinga, balik-PFL din ang mga dating kasapi na Davao Aguilas, Philippine Air Force at Loyola.
Comments