top of page
Brenda Mage - FB.jpg

Brgy. official, nag-solicit para sa Christmas party, sinuspinde

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
2 min read

by Jeff Tumbado @News | November 28, 2026



Brgy. official, nag-solicit para sa Christmas party, sinuspinde

Photo: File / Office of the Ombudsman



Ipinataw ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang preventive suspension nang walang sahod laban sa isang barangay secretary sa Makati City kaugnay ng umano'y hindi awtorisadong panghihingi ng donasyon para sa Christmas party noong nakaraang taon.


Ayon sa Ombudsman nitong Biyernes, napatunayang may administratibong pananagutan si Bayani Galzote Olegario, secretary ng Barangay Sta. Cruz sa Makati City, dahil sa paglabag sa conduct prejudicial to the best interest of the service.


Sa naging desisyon ng Ombudsman, hindi naaayon sa inaasahang integridad at wastong asal ng mga kawani ng pamahalaan ang paggamit sa pangalan at awtoridad ng isang pampublikong tanggapan para sa mga layuning hindi naman bahagi ng tungkulin ng gobyerno.


Binigyang-diin ng anti-graft body na nagdudulot ito ng impresyon na mismong pamahalaan ang nanghihingi ng pera o ari-arian sa mga pribadong indibidwal para sa kapakinabangan ng mga empleyado nito, na maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa integridad ng serbisyo publiko.

Natuklasan din ng Ombudsman na noong Disyembre 2025 ay naglabas si Olegario ng mga liham na humihingi ng cash at in-kind donations mula sa mga pribadong indibidwal para sa Christmas party ng mga opisyal at kawani ng barangay.


Ayon sa Ombudsman, ginamit sa mga naturang liham ang opisyal na letterhead ng Sangguniang Barangay, gayundin ang lagda ni Olegario at ang kanyang posisyon bilang barangay secretary.


Dahil dito, nagkaroon ng impresyon na opisyal na aktibidad ito ng pamahalaang barangay.


Sinabi ng Ombudsman na may sapat na ebidensya upang patunayang nasira ni Olegario ang imahe at integridad ng pamahalaang barangay sa paggamit ng kanyang opisyal na posisyon, letterhead at lagda sa panghihingi ng mga donasyon.


Idinagdag ng komisyon na kung hindi na maipatutupad ang suspensiyon dahil sa pagkakahiwalay ng opisyal sa serbisyo, papalitan ito ng multang katumbas ng anim na buwan at isang araw na sahod, na babayaran sa Office of the Ombudsman.


Nagbabala rin ang Ombudsman na hindi lamang dapat umiwas sa katiwalian ang mga opisyal at kawani ng gobyerno, kundi dapat ding iwasan ang paggamit sa kapangyarihan at awtoridad ng kanilang mga tanggapan para sa mga pribado o hindi awtorisadong aktibidad.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page