‘Breakup leave’, para sa mga sawi sa pag-ibig
- BULGAR
- Feb 18, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 18, 2024
Para sa mga sawi sa pag-ibig, may pag-asa na ring magpagaling sa sakit na naramdaman at makapagpahinga ng inyong mga puso.
Ito ang panukalang batas ni Cagayan de Oro City 1st District Rep. Lordan Suan na inihain sa Kamara, ang ‘heartbreak leave’, kung saan bibigyan ng unpaid leave ang isang indibidwal na nakakaranas ng pighati sa kabiguan sa pag-ibig dahil sa pakikipaghiwalay sa kanilang mga kasintahan at asawa.
Sa ilalim ng House Bill 9931, papayagan ng isang araw na heartbreak leave para sa mga empleyadong below 25-anyos; dalawang araw na heartbreak leave sa edad 25-35; at tatlong araw naman na heartbreak leave sa mga edad 36 pataas kada taon.
Ayon sa mambabatas, tila nauuso ang breakup o hiwalayan ng mga magkasintahan, na dahil sa matinding hinagpis ay hindi na makapagpokus sa trabaho ang mga apektado, kaya dapat magkaroon ng batas hinggil dito.
Sinabi ni Suan na ang mga mas batang empleyado ay mabilis na makarekober, kaya mas maikli ang leave periods para sa mga ito, habang ang mga indibidwal na mga may edad na ay hindi madaling mag-move on dahil sa mga problema sa pamilya, kaya mas nangangailangan ng mahabang bakasyon.
Para naman maging kwalipikado sa heartbreak leave, dapat na magpakita ng katibayan at pirmadong pahayag ang empleyado na kinukumpirmang natuldukan na ang relasyon nito sa kanyang ka-partner sa loob ng 30-araw.
Aniya pa, na ang heartbreak kapag hindi naagapan, may mga indibidwal na sumusuko at nagagawang kitilin ang kanilang buhay, bagay na dapat na maiwasan.
Ayon naman sa psychologist na si Dr. Sylvia Estrada-Claudio, ipinaliwanag niyang bukod sa mental health, posibleng may physical effect din ang nangyayaring breakup dahil maaari itong magdulot ng broken-heart syndrome o stress cardiomyopathy o biglang paghina ng heart muscle dahil sa stress na nakakamatay.
Hindi madaling gamutin ang nasaktang puso sanhi ng pagkabigo o pakikipaghiwalay sa ka- partner.
Nagiging apektado kasi ang lahat ng parte ng katawan kapag nakakaranas ng heartbreak, pati na rin sa ating trabaho. Bukod sa sakit sa puso, dito pumapasok ang hindi magandang epekto sa pisikal natin, kung saan hindi makatulog, hindi makakain o walang gana sa buhay, kaya nanghihina at bumabagsak ang katawan. Nagkakaroon din ng maraming katanungan sa isipan kung bakit nangyari ito at mga negatibong bagay habang nagiging emosyonal na gaya ng madaling magalit, hanggang sa humantong minsan na nawawala na sa katinuan.
Subalit, kung may pagkakataon tayong makapagpahinga, makapag-unwind, malayo muna sa stress, at mga kaibigan na siyang magbibigay ng comfort sa panahon ng pighati, tiyak ang mabilis na paggaling at paghilom ng sugat sa ating mga puso.
Paalala rin sa ating mga kababayan na huwag masyadong dibdibin ang anumang kabiguan sa buhay, dapat ay relax lang. Lagi nating tatandaan na hindi tayo nag-iisa at maraming nagmamahal sa atin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments