Botante ng Embo barangay, wala munang kongresista

ni Ryan Sison @Boses | June 27, 2024

Pansamantalang hindi makakaboto ng kanilang kongresista sa 2025 midterm election ang mga residente ng 10 enlisted men’s barrio (Embo) barangay na dating nasa hurisdiksyon ng Makati City pero sakop na ngayon ng Taguig City.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa batid ng ahensya kung saan sa dalawang distrito ng Taguig nakabilang ang mga bagong botante. Aniya, hindi kasi ang Comelec kundi ang Kongreso ang may kapangyarihan na magsabi kung anong mga barangay ang kasama sa bawat distrito.
Kabilang sa mga apektadong Embo barangay ay ang Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside at Southside.
Sinabi naman ni Garcia na maaari pa ring bumoto ang mga botante sa 2025 National and Local Elections, pero para lamang sa mayoralty, vice mayoralty at city council positions.
Matatandaang sa desisyon ng Supreme Court (SC) noong Abril 2023, ang Taguig na ang may hurisdiksyon sa 729-ektaryang Bonifacio Global City at 10 barangay sa ikalawang distrito ng Makati.
Mahirap naman para sa mga botante ng mga Embo barangay na wala silang ihahalal na kongresista samantalang napakahalaga ng congressional representative sa legislative district.
Sila kasi ang lumilikha ng mga batas na ipapatupad para sa ikagaganda at ikasasaayos ng isang distrito ng bawat lungsod.
At hindi tama na walang uupong congressman o congresswoman sa isang distrito dahil sa walang ibinoto ang mga residente.
Dapat siguro, ngayon pa lamang ay maresolbahan na ang usaping ito dahil nakakaawa naman ang mga residente ng naturang lugar na tila ginagawa pingpong at hindi pa rin alam kung saan talaga sila maghahain ng kanilang mga reklamo, hinaing at problema.
Sana ay makapaglatag na agad ng desisyon sa kung anong distrito nasasakop ang mga nasabing barangay bago pa mag-eleksyon para naman makaboto nang tama ang mga residente.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments