Bonus para sa mga empleyadong masisipag at may malasakit
- BULGAR
- Nov 8, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | November 8, 2023
Mas magiging maliwanag ang Pasko ngayong taon ng mga empleyado ng Senado dahil sa nalalapit na pagbibigay sa kanilang mga bonus.
Sa ginanap na Christmas decor lighting ceremonies nitong Lunes, ipinahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga empleyado na makatatanggap sila ng “generous bonuses” ngayong taon habang sabay na nagpalakpakan nang malakas ang karamihan na naroon sa naturang event.
Ayon kay Zubiri ang mga bonus ay resulta ng pagsusumikap at dedikasyon ng mga empleyado ng Senado sa paghahatid ng de-kalidad na batas o legislation at mga polisiya, at para sa pagtulong sa kanyang pamunuan sa paghatid ng mga mahahalagang hakbangin.
Hindi naman binanggit ni Zubiri ang iba pang good news at sikreto lang daw muna dahil maaaring sabihin uli ng taumbayan na, sana all ay makatanggap na rin ng bonus.
Pero aniya, gagawin ito para sa kanilang lahat ng empleyado, at makatatanggap sila ng isang napakagandang regalo mula sa Senado, mga members ng Senate at ang Senate leadership.
Matatandaan noong Pebrero ay binatikos si Zubiri online dahil sa pagyayabang nito sa publiko na magkakaroon ng inflationary adjustment mula P12,200 hanggang P50,000 ang mahigit 3,000 empleyado ng Senado.
Pero sa ngayon, mas pinili ni Zubiri na hindi banggitin ang halaga ng mga bonuses na ibibigay sa mga ito dahil aniya, naroon ang media.
Umapela naman ang Senate President sa mga Senate employees na ibahagi rin ang mga blessings na kanilang matatanggap sa iba.
Para sa mga empleyado ng pribadong sektor, umaasa naman siya sa pangako ni Senador Jinggoy Estrada na ipapasa nila ang kanyang panukalang batas na naglalayong taasan ang minimum wage bago mag-Pasko.
Maligayang Pasko talaga ang naghihintay sa mga empleyado ng Senado at kanilang mga pamilya.
Mainam ang ginawa nilang ito dahil maituturing na ‘pay it forward’ sa mga kababayan na nagsusumikap na magserbisyo nang tapat at nagpapakapagod sa trabaho.
Panawagan lang natin sa kinauukulan at maging sa pribadong sektor na sana ay maisip din nilang pasiyahin ang kani-kanilang mga empleyado na lubos na nagsisilbi at nagmamalasakit sa kanilang mahal na kumpanya. ‘Ika nga it is good to share the blessings to others, ‘di ba?
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments