Bombita, dumalawa ng panalo sa Highrisers
- BULGAR
- Mar 24, 2024
- 1 min read
ni Gerard Arce @Sports | March 24, 2024

Mga laro sa Martes (Philsports Arena, Pasig City)
2 n.h. – Petro Gazz vs Capital1
4 n.h. – Chery Tiggo vs NXLed
6 n.g. – Cignal vs Creamline
Itinatag ng Galeries Tower Highrisers ang kanilang ikalawang sunod na panalo mula sa pambihirang laro ni Grazielle Bombita upang madaling palambutin ang Strong Group Athletics Corp. sa pamamagitan ng straight set sa 25-17, 25-14, 25-12, kahapon sa unang laro ng nakalatag na triple-header sa pagpapatuloy ng aksyon sa elimination round ng 8th Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bumomba ang beteranong spiker na si Bombita ng kabuuang 16 puntos mula sa 15 atake at isang ace kasama ang tatlong excellent receptions upang dalhin sa 2-4 kartada ang koponan, habang nilugmok sa 0-6 marka ang Strong Group na patuloy na hinahanap ang kanilang unang panalo sa liga.
“Mate-test talaga yung patient mo sa training namin, kumbaga du'n mo mailalabas kung gaano ka katatag sa sitwasyon na 'yun at kung paano mo masosolusyunan 'yung patient mo during our training, siguro pinaghugutan ko 'yung mga team mates at coaches ko sa tiwalang ipinagkakaloob nila, kumbaga andu'n yung faith at belief na kaya naming ma-execute yung plan ng team,” wika ng 33-anyos na outside hitter, na muling nasaksihan ang kahusayan kasunod ng masaklap na ACL injury na nagpatigil sa kanyang paglalaro ng nagdaang limang torneo.
Nasundan ng Galeries ang kanilang unang panalo kasunod ng fifth-set panalo kontra Capital1 Solar Energy Spikers, kung saan rumehistro rin si Bombita ng 12pts mula sa 11 atake para sa kanilang ikalawang panalo sa liga sapol ng sumali ito noong nagdaang komperensiya.








Comments