Bolts at Road Warriors, pinahina ang Dyip at Bossing
ni Gerard Arce - @Sports | September 17, 2021

Muling nagbalik ang liwanag sa koponan ng Meralco Bolts nang magwagi sa pagbabalik aksyon kontra sa nalubak na Terrafirma Dyip, 95-83, habang naging matuwid ang biyahe ng NLEX Road Warriors nang itaob ang Blackwater Bossing, 90-73, kagabi sa 46th PBA Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University sa Bacolor, Pampanga.
Higit isang linggong hindi nakapaglaro ang Meralco dahil sa health and safety protocols at hindi pa nakapaglaro ang main players na sina Chris Newsome at Cliff Hodge, habang may injury si Aaron Black sa first quarter dahil sa hand injury, anim na players ng Bolts ang rumehistro ng double digit scoring para makuha ang solo second spot sa 6-2 marka.
“I'm pretty sure that they [Newsome at Hodge] won't be back in our next game because that game is on Saturday, but I'm counting on them to be back by the next time we play after that,” saad ni Meralco head coach Norman Black. “We always study the other team and prepare for their offense and their defense, but tonight I felt it was more about us. We just have to play together and for one another."Malaking hugot sa bench ang nakuha kay Anjo Caram sa 13 puntos habang nanguna sa opensa si John Quinto sa 17 pts.
Pinutol ng Road Warriors ang 3-game losing skid at makatuntong sa importanteng panalo sa 5-5 kartada. Itinanghal na best player si Jr Quinahan na may 16 pts. Nasayang ang iskor na 17 pts si Simon Enciso at 14 pts si Carl Bryan Cruz para sa Blackwater.
Samantala, maglalaban-laban para patibayin ang mga tsansa sa quarterfinals ng Northport Batang Pier (4-4) na susubukang makabawi sa naghahanap ng twice-to-beat bentahe na Magnolia Hotshots (6-3) sa unang laro sa 12:30 p.m., na susundan ng tunggalian ng San Miguel Beermen (5-3) at Phoenix Super LPG (4-6) 3 p.m. at tatapusin ng tagayan ng alak at gatas na Brgy. Ginebra Gin Kings at nagbabalik na Alaska Aces sa main game ng 6 p.m.





Comments