ni Gerard Arce @Sports | February 24, 2024
Isinantabi lahat ni dating World champion Joshua “The Passion” Pacio ang lahat ng masasayang plano at patuloy na nagpursige sa pagpapaunlad ng kanyang kasanayan sa boksing at wrestling upang paghandaan ang nalalapit na rematch laban kay ONE Strawweight champion Jarred “The Monkey God” Brooks ng U.S. sa ONE 166 sa Marso 1 sa Lusail Sports Arena sa Lusail, Qatar.
Determinado ang Lions Nation MMA fighter na mabawi ang nawalang titulo sa American fighter na dumaig sa kanya sa bisa ng 5th round unanimous decision sa jampacked na MOA Arena sa Pasay City nung ONE 164 noong Dis. 3, 2022, kung saan nanlumo ang mahigit sa 20,000 manonood sa pagbabalik ng MMA event sa Pilipinas para putulin ang three-fight title defense ng 28-anyos mula La Trinidad, Benguet.
Todo ang paghahasa ni Pacio sa boksing at wrestling na parte umano ng naging kakulangan nito sa laban kay Brooks sa kanilang unang pagtatapat, kung saan makailang ulit na dinala sa grounds ng 30-anyos mula Detroit, Michigan si Pacio para magamit ang kanyang kahusayan sa wrestling na minsang naglaro sa NCAA Division II at nagtala ng 35-0 para makuha ang state championships. Sa naturang tagpo rin ay nahigitan ni Brooks si Pacio pagdating sa striking gamit ang kanyang kaalaman sa boksing, kahit na nailabas ng dating Team Lakay fighter ang kanyang mga kilalang atake at estilo.
Inaasahan umanong magiging mas agresibo ang atake ni Pacio laban kay Brooks matapos kakitaan ng pagkabagal sa laro ito sa unang paghaharap ng katigan ng tatlong hurado si Brooks na tatlong beses na matagumpay na nai-takedown si Pacio sa una, ikaapat at huling round, habang nagpamalas ito ng malulutong na kumbinasyong suntok at paminsan-minsan na nagpapakawala ng sipa.
Comments