Bokasyon o pangarap: ano ang gusto ko at gusto ng Diyos?
- BULGAR
- Mar 6, 2023
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 6, 2023
“Ano gusto mo maging paglaki mo?”
Ito ang madalas kong itanong sa mga batang paslit at bulilit sa lahat ng naging Parokya ko. Sana’y naipasulat ko sa lahat ng mga batang ito kung ano ang kanilang pangarap o panaginip. Magandang makita kung ilan ang nagkatotoo at kung paano at bakit nagkatotoo ito. Noong mga unang ‘assignment’ ko bilang batang pari noong mga unang taon ng dekada ‘80 (1982, ang taong naordinahan ako bilang pari), madalas-dalas pa rin akong marinig ang mga sumusunod na sagot, “Gusto kong maging katulad n’yo, pari,” Marami ring nagsasabing teacher, marino, doktor, engineer, flight steward o stewardess, etc. Paminsan-minsan, naririnig ko ring, “Gusto kong maging pulis o sundalo.” Ngunit bihirang-bihira kong marinig ang, “Gusto kong maging artista.”
Ibang-iba ngayon, noong mga nakaraang taon sa ilalim ng Duterte administration, napakaraming mga batang lalaki at babae ang nagsasabing, “Gusto kong maging pulis.” At kapag tinanong ko sila kung bakit, hindi agad makasagot ang mga bata. Bubusisiin ko ang mga ito at malalaman ko kung bakit ganu’n ang kanilang sagot. “Sabi ni nanay at tatay, magandang mag-pulis dahil malaki na ang sahod at sikat ka pa sa pamayanan.” At ganundin karami ang nagsasabi ng gusto nilang maging artista.
Tuwing alas-3:00 ng hapon ng linggo, pinagdiriwang namin ang Misa para sa mga Bata.
Mahigit nang isang buwan naming sinusundo ang mga bulilit na edad 12 pababa at dinadala ang mga ito sa simbahan upang bigyan ng katekismo at ihanda para magsimba. Sa loob ng isang linggo, sinisikap ng mga parish area volunteers na kilalanin ang mga bata at ang kanilang mga magulang.
Binibigyan sila ng katekismo tungkol sa kanilang pananampalataya at pinakikinggan ang kanilang mga tanong at maging ang mga problemang gusto nilang pag-usapan o isangguni. Natutuklasan namin ang kahalagahan ng pakikitungo at pag-agapay sa mga bata. Marami sa mga bata ay uhaw sa kalinga at pag-agapay ng kanilang mga magulang.
Malaki ang matutulong ng mga tito at tita, gayundin ang mga ate at kuya na parish volunteers upang maramdaman ng mga bata na mayroon silang makakausap at matatakbuhan kung sila’y mangailangan.
Hindi ko pa tinatanong ang mga batang nagsisimba nang alas-3:00 ng hapon tuwing linggo kung ano ang gusto nila maging paglaki nila. Baka ‘pag tinanong ko ang mga bata ngayon kung ano ang kanilang pangarap ay isagot ng marami sa kanila na gusto nilang maging artistang Koreano. At sa pakikipag-usap ko sa mga parish volunteers na tumutulong sa pag-oorganisa at paghubog ng mga kabataan, nabanggit natin ang kahalagahan ng pagtuklas sa personal na bokasyon ng bawat kabataan.
Malaking-malaki ang pagkakaiba ng bokasyon at kagustuhan ng magulang, barkada o sinumang tinitingala o pinaniniwalaan ng bata. Ang bokasyon ay galing sa loob, ito ang tinig ng Diyos na tumatawag sa bawat isa at ibinubulong sa simula o noong tayo ay bata pa kung ano ang nararapat na pagsikapang propesyon o direksyon ng buhay.
Naaalala ko noong ako ay nasa edad 8, sa murang edad na ito, naisip ko nang mag-pari. Bakit?
Natutuwa at hinahangaan ko ang mga naging pari sa aming Parokya sa Malabon.
Malinaw na hindi galing sa magulang ko o sinumang matanda ang pagnanais na maging pari dahil lahat sila ay iba ang iniisip na maganda para sa akin.
Aking nabanggit ang bokasyon dahil sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng dating artista ng Star Magic na si Liza Soberano. Nagtataka ako sa reaksyon ng mga artista na kumakalat sa social media tungkol sa mga pahayag ni Liza hinggil sa kanyang pag-alis sa buhay bilang artista.
Ilan sa mga komentaryo ng dating kasamahan ni Liza ang mababasa sa socmed tulad ng, “Hindi mo dapat kalimutan ang iyong nakaraan! Ikaw ay ikaw ngayon dahil sa iyong pinanggalingan.” Mayroon ding masasakit na paratang tulad ng, “Huwag kang ingrata, Liza!”
Ito ang isa sa maraming sinabi ni Liza, “The Liza Soberano brand would now be all about working on my passions, feeding into my happiness, and constantly growing to get better and learn.”
Nagugulat ang mga taga-showbiz sa mga sinasabi ng kanilang dating kasama. Maganda ito dahil kadalasan, nasasanay tayo sa ating palaging iniisip, sinasabi at ginagawa. Pati kaming mga pari o anumang bokasyon.
Mayroon kayang mahalagang mensahe si Liza, hindi lang sa mga taga-showbiz kundi sa mga kabataan? Hindi kaya mayroon ding pinaaabot sa lahat ang Diyos sa pamamagitan ni Liza na maging bukas, matapang at handang magbagong buhay kung ito tunay na makabubuti sa iyo at sa marami pang iba?








Comments