Body camera sa mga law enforcers, iwas-manipulasyon
ni Ryan Sison @Boses | May 26, 2023
Upang matiyak ang transparency at mapabuti ang kalidad ng mga ebidensya, nais ni Senator ‘Raffy’ Tulfo na magsuot ng body camera ang mga law enforcers sa mga espesyal na operasyon at iba pang aktibidad.
Ito ay matapos ihain ni Tulfo ang Senate Bill (SB) 2199 o “Body-worn Camera Act” na ilalapat sa mga law enforcement operations kabilang ang pag-iisyu ng warrants of arrest, pagpapatupad ng search warrants, enforcement of visitorial powers ng Chief Philippine National Police (PNP) at mga unit commander, anti-illegal drugs operation, atbp.
Samantala, ang body-worn camera ay tumutukoy sa isang electronic camera system na itinalaga sa mga unit ng law enforcers para sa creating, generating, sending, receiving, storing, displaying, at processing audio-visual recordings na maaaring isuot sa panahon ng operasyon.
Ipinaliwanag ni Tulfo na dapat matugunan ng body-worn camera ang sumusunod na minimum standard requirement tulad ng 720p o mas mataas na resolution ng video; built-in na frame rate, audio, petsa at time-stamping, at GPS; walong oras na tuluy-tuloy na buhay ng baterya; kakayahang panatilihin ang walong oras nang walang tigil na audio-video footage; at may built-in na night mode.
Idinagdag niya na ang body-worn camera ay dapat na ma-record nang buo ang lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa pagsasagawa ng operasyon at hindi ito dapat i-deactivate hangga't hindi natatapos ang operasyon.
Giit ng Senador, ang mga law enforcers na makikialam sa mga body-worn camera upang makuha ang audio at video recording ng pag-aresto o nabigong gamitin ang mga ito nang walang wastong dahilan, gayundin kung mamanipulahin ang mga recording sa panahon o pagkatapos ng operasyon, ay maaaring managot.
Sang-ayon ang inyong lingkod sa paggamit ng body camera para sa mga law enforcers dahil ito ay para rin sa kapakanan at proteksyon ng mga pulis at mamamayan.
Sa paggamit ng body-worn cameras, magkakaroon tayo ng tiwala sa mga gawain ng ating kapulisan at mas mapapatunayang may integridad sila sa kanilang trabaho.
Nararapat lang na gawing prayoridad ang panukalang ito dahil napakaraming isyu ng mga kapulisan sa bansa. At ang dapat gawin ng gobyerno, maglaan ng budget sa mga body-worn camera dahil malaking tulong ito sa pagsugpo ng mga krimen sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments