top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Body cam, epektib sana vs. pasaway na MMDA at motorista

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 28, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | April 28, 2023


Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nakatakdang magsuot ng body camera ang kanilang enforcers bago ang pagpapatupad ng single ticketing system sa susunod na buwan upang maiwasan ang pang-aabuso o pangingikil.


Ipinahayag ng ahensya na ang mga MMDA Traffic Discipline Office ay nagsagawa na ng orientation sa mga enforcer hinggil sa wastong paggamit ng mga body camera upang ihanda sila sa pagpapatupad ng single ticketing system.


Ayon sa MMDA, ang bawat camera ay tatagal nang hanggang walong oras, na katumbas ng isang shift ng isang enforcer at ang mga recording ng mga camera ay naka-link sa bagong MMDA Command Center sa Pasig City na siyang gagamiting ebidensya sakaling magkaroon ng reklamo ang mga nahuling motorista.


Ang MMDA ay kasalukuyang mayroong 100 body camera na isusuot ng mga enforcer sa apat na lugar sa Metro Manila Katipunan; Sta. Mesa, Manila; Ortigas at Timog Avenue sa Quezon City.


Plano ng ahensya na magdagdag ng mga body camera sa mga darating na buwan habang nagsasagawa ito ng dry run para sa pagpapatupad ng single ticketing system mula noong ikalawang linggo ng Abril.


Sinabi ni MMDA acting chairman Atty. Don Artes na pitong local government units sa Metro Manila ang nagpahayag ng kanilang kahandaan para sa single ticketing system na kinabibilangan ng San Juan, Muntinlupa, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Manila at Caloocan.


Maganda ang layunin ng MMDA at mabuti na lang, alam nating may mga ginagamit na equipment para makatulong sa pagpapagaan sa isipan ng mga motorista.


Kung naisip lamang nila ito noon pa, sana ay napadali ang pagsugpo sa pang-aabuso na nangyayari sa lansangan.


Ang kawalan ng tiwala sa pagitan ng tagapagpatupad ng batas at mga motorista ay nagiging karaniwan, at ang pagsunod naman sa batas-trapiko ay isa rin sa mahirap gawin para sa ibang mga motorista.


Magtatagumpay kaya ang planong ito ng MMDA?


Sana ang mga body camera na ito ay magsilbing daan upang matigil na ang mga pangongotong o iba pang masasamang gawain na nangyayari sa lansangan.


Mabawasan na rin sana ang mga pasaway na motorista at enforcers sa oras na magamit na ang mga body camera sa mga MMDA enforcers.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page