Black Nazarene: Kasaysayan ng Pananampalataya
- BULGAR
- 1 hour ago
- 2 min read
ni Kimberly Sy (OJT) @Lifestyle | January 8, 2026

Sa loob ng mahabang panahon, bukambibig ang kuwento na ang imahe ng Nazareno raw ay dating maputi at naging itim kalaunan dahil sa naganap na sunog sa isang galyon mula sa Mexico.
Pero ayon sa kasaysayan, may mas malalim itong katotohanan.
Ayon kay Msgr. Sabino A. Vengco, Jr., isang eksperto mula sa Loyola School of Theology, ang naturang imahe ay hindi kailanman naging maputi.
Ipinaliwanag niyang ang rebulto ay nililok mula sa kahoy na mesquite – isang uri ng matigas at sadyang may itim na kulay.
Pinaniniwalaan ng mga theorist na sadyang ipinakilala ng mga misyonaryo mula sa Espanya ang ‘itim’ na Nazareno dahil ang kulay umano nito’y kapareha ng mga balat ng katutubo sa Pilipinas at Mexico.
Sa pamamagitan nito, mas madali raw mararamdaman ng mga Pinoy na ang Diyos ay kaisa at kabahagi ng kanilang pagkatao.
Sa Pilipinas, ang Nazareno ay hindi lamang isang estatwa o imahe, ito ay simbolo ng katatagan ng lahing Pilipino.
Maraming beses nang napatunayan ang "himala" ng Poong Itim Nazareno dahil sa pananatili nitong buo sa kabila ng mga kalamidad kagaya ng sumiklab na sunog noong 1791 at 1929 sa Quiapo, lindol noong 1645 at 1863 at higit sa lahat, ang matinding pambobomba noong 1945 (Ikalawang Digmaang Pandaigdig).
Tuwing ika-9 ng Enero, ang mga kalsada sa Maynila ay tila dagat ng mga debotong naka-pula at dilaw para sa pagdiriwang ng Traslacion.
Ang pistang ito ay nababalot ng mga sagradong ritwal ng pagpapakumbaba at pananatili kagaya ng “Pahalik” o ang matiyagang pagpila ng libu-libong tao sa loob ng ilang oras upang mahawakan o mahagkan ang paanan ng Poong Nazareno.
Bukod dito, tampok din ang “Dungaw” kung saan matutunghayan ang pagtatagpo ng imahen ng Nazareno at ng Nuestra Señora del Carmen sa tapat ng Simbahan ng San Sebastian.
Para sa mga deboto, ang bawat patak ng pawis, pagod at hirap na kasama sa pagpuprusisyon ng nasabing imahe ay bahagi ng kanilang panata.
Naniniwala sila na sa isang dampi lamang ng panyo o haplos sa Poong Itim na Nazareno, may naghihintay na himala — kagalingan para sa may sakit at pag-asa para sa mga naliligaw ng landas.
At ang malalim na pananampalatayang ito ang nagbibigay ng katatagan upang mabuhay anuman ang hirap na nararanasan.




