Biyahe ni Marcos sa China, tagumpay!
- BULGAR
- Jan 9, 2023
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | January 9, 2023
TAGUMPAY ang biyahe ni P-BBM sa China.
Nagkasundo ang dalawang bansa na mag-usap nang maayos kaugnay sa West Philippine Sea.
◘◘◘
HUMINGI ng paumanhin ang Pangulo sa naganap na aberya sa pagkadiskarte ng signal sa air space.
Inaaksiyunan na ng Malacañang ang naturang problema para hindi na maulit pa.
◘◘◘
PINIGIL ang biyahe ng eroplano papasok at palabas ng bansa dahil walang kakayahan na ma-monitor ang mga ito.
Pero matapos ang anim o walong oras, nagawan ng paraan ng mga kinauukulan.
◘◘◘
TEKA, alam ba ninyong expired na ang vessel monitoring system ng BFAR?
Kaugnay ito ng mga barko na naglalayag sa karagatan.
◘◘◘
HINIHINGAN ng paglilinaw ang BFAR kung ang iginawad na kontrata sa kontraktor noong 2018 para sa pag-supply ng teknolohiya at kagamitan para sa Integrated Marine Environment Monitoring System (IMEMS) nito ay may bisa pa?
Nagpadala na ng inquiry ang isang abogado sa BFAR na may petsang Disyembre 14, 2022.
◘◘◘
ITINAKDA sa IMEMS ang paglalagay ng lahat ng mga barko sa pangingisda ng isang vessel monitoring system para matukoy ang eksaktong lokasyon ng mga ito saan mang dako ng karagatan.
Binigyang-diin na apat na taon lang ang nakalaang panahon para sa “delivery of goods” umpisa sa unang araw na matanggap ng nanalong kontraktor ang “notice to proceed” at base na rin ito sa bidding documents.
◘◘◘
NILINAW ng abogado na nakalagay sa “award” na Disyembre 4, 2018 ang petsa ng “notice to proceed” at nagtatapos ito noong Disyembre 4, 2021.
Base mismo sa award, lampas isang taon nang paso ang kontrata.
◘◘◘
KAHIT pa sabihin na typo error ang nangyari sa nakasulat na expiration date at ang tunay na intensyon ay Disyembre 4, 2022, paso na rin ito.
Ang pagkapaso ng kontrata ay nangangahulugang hindi na mababawi ng kontraktor ang inilagak nitong “performance bonds”.
◘◘◘
NAGING mainit ang isyu sa vessel monitoring system nang humatol ang hukuman sa Malabon City noong 2021 at ideklarang unconstitutional ang IMEMS.
Ito ay pinanigan mismo ni dating Solicitor General Jose Calida at kanyang sinabihan ang BFAR na sundin ang naging desisyon ng korte.
◘◘◘
SANA ay maayos agad ng mga awtoridad ang isyu sa vessel monitoring upang hindi matulad ang sitwasyon sa “aberya sa airspace”, kamakailan.
Ang katamaran ng mga opisyal ang nagdudulot ng mas malaking problema.
Maunawaan sana ito ng lahat.








Comments