Bisa ng birth, marriage at death certificate, forever na!
ni Ryan Sison - @Boses | August 4, 2022
Batas na ang Republic Act No. 11909 o ang permanent validity of birth, marriage at death certificate.
Sa natanggap na sulat ni Senate President Juan Miguel Zubiri mula kay Executive Secretary Victor Rodriguez, nakasaad na nag-‘lapse into law’ ang panukala noong Hulyo 28, 2022. Ibig sabihin, lumipas ang 30-araw mula nang maisumite sa opisina ng Pangulo ang panukala nang hindi nalalagdaan ng Presidente, kaya awtomatiko itong naging batas.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11909, permanente na ang bisa ng mga birth, death at marriage certificate na inisyu, nilagdaan, sinertipikahan o authenticated ng Philippine Statistics Authority (PSA), gayundin ang National Statistics Office (NSO) at local civil registries, kahit ano’ng petsa pa ito inisyu. Gayundin, ang mga nabanggit na dokumento ay kikilalanin at tatanggapin sa lahat ng mga transaksyon sa gobyerno at pribadong sektor.
Paliwanag ng mga mambabatas, dahil may mga ahensya ng pamahalaan o ibang sangay na humihingi ng bagong kopya ng naturang dokumento pagkaraan ng anim na buwan, nagmimistula umanong anim na buwan lang ang bisa ng mga ito.
Bagama’t ipinaliwanag ng PSA na walang expiration ang mga naturang dokumento na nanggagaling sa kanila, may mga ahensya umano na hindi ito tinatanggap sa sandaling nagpalit ng kulay sa security paper na ginagamit sa paggawa ng certificate.
Malaking tulong ang batas sa ordinaryong mamamayan dahil hindi na kailangang gumastos para mag-renew. Isa pa, tipid sa oras dahil ‘pag kailangang iprisinta ang dokumento, agad itong maipapakita.
Pero bago ang lahat, sana’y matiyak na may kaalaman ang lahat ng ahensya ng gobyerno, gayundin ang mga pribadong sektor sa naturang batas upang maiwasan ang kalituhan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments